Senior high grad, tanggap sa DOLE job fair

Date Posted: June 8th, 2018 03:24 PM

Isang senior high school graduate mula sa Davao City ang masuwerteng na-hire-on-the-spot sa isa sa mga ginawang job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Si Niño Sunggahid, 19, mula sa Tibungco, Davao City, ang natanggap sa trabaho bilang sales associate sa Gaisano Mall sa Davao.

 

Kabilang siya sa mga sumubok humanap ng mapapasukan sa isinagawang job fair sa ginanap na selebrasyon ng Labor Day.

 

Si Sunggahid, na kabilang sa mga pioneer batch ng Senior High School K-12 program ng DepEd, ay nagtapos na Computer System Services sa F. Bustamante National High School sa Tibungco, Davao City.

 

Bilang isang fresh graduate at first-time applicant, nagpahayag ng pasasalamat at galak si Sunggahid makaraang makakuha ng trabaho sa naturang job fair.

 

“Nalipay giyud ko nga na hire-on-the-spot ko kay sa kadaghan ba namo nang-apply nadawat ra giyud ko. Kini (jobfair) isa giyud ka opportunidad para makakuha kag trabaho. (Masayang masaya ako at isa ako sa mga na-hire-on-the-spot, at kahit na marami kaming aplikante, ako pa rin ang natanggap. Ang job fair na ito ay tunay na isang oportunidad para sa isang indibidwal upang magkaroon ng trabaho),” wika ni Sunggahid.

 

Ang curriculum ng DepEd para sa Senior High School (SHS) ay saklaw ang huling dalawang taon ng K to 12 program, kabilang ang Grades 11 at 12. Sa SHS, ang mga mag-aaral ay dumaraan sa mga pangunahing curriculum at asignatura sa ilalim ng kanilang piniling kurso.

 

Ang SHS, batay sa DepEd, ay nagbibigay oportunidad para sa standard requirements upang ang mga SHS graduates ay magkaroon ng sapat na kaalaman upang matanggap sa trabaho at makapag-aplay sa TESDA Certificates of Competency (COCs) at National Certificates (NCs) para makakuha ng mas magandang oportunidad sa trabaho.

 

Samantala, nagkaroon ng 12,532 bakanteng trabaho sa lokal at ibang bansa ang ginanap na Trabaho Negosyo Kabuhayan Job and Business Fairs noong Araw ng Paggawa sa Gaisano Mall sa Davao mula sa 87 participating companies/agencies. Mula sa 3,192 na kabuuang aplikante, 2,540 sa kanila ay qualified applicants para sa trabaho sa lokal at overseas.

 

KMGL/DOLE XI/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo