Babala ng DOLE: Walang mushroom picker job order sa Canada

Date Posted: May 9th, 2018 10:30 AM

Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko na mag-ingat sa mga ‘too good to be true’ na job offer sa ibang bansa.

 

Kasunod ito ng ulat na nagkakaroon umano ng demand para sa 700 mushroom pickers sa Canada kung saan makatatanggap sila ng P150,000 kada buwang suweldo.

 

Sa ulat ni Labor Attaché I-designate Celeste Marie Ramos ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Toronto kay Labor Secretary Silvestre Bello III, wala umanong 700 job order para sa trabahong mushroom picker sa Canada.

 

Dagdag pa rito, ang mga ulat na P150,000-P180,000 kada buwan na suweldo bilang mushroom picker ay “inflated at inaccurate.” Ang mga mushroom picker ay kadalasang binabayaran ng minimum wage sa Ontario at iba pang probinsya.

 

Ayon pa sa opisyal ng POLO Toronto, mas binibigyan ng prayoridad ng gobyerno ng Canada ang mga lokal nilang manggagawa kaysa sa mga dayuhang laborer.

 

Nangangailangan ang gobyerno ng Labour Market Impact Assessment (LMIA) mula sa mga may-ari ng farm bago sila payagang kumuha ng mga dayuhang manggagawa.

 

Umaabot naman sa anim na buwan hanggang dalawang taon para sa Canadian Government upang aprubahan ang LMIA ng mga kilalang kumpanya at kung mas mataas ang bilang, mas matagal rin itong maaaprubahan.

 

Sinabi pa ni Ramos kay Bello na nakikita ng POLO Toronto ang labor and welfare concern sa sektor ng agrikultura bilang ‘high priority’ dahil nananatili itong “ripe for exploitation by unscrupulous third parties.”

 

Naglabas na rin ang Philippine Embassy sa Canada ng abiso sa publiko upang mag-ingat sa mga balita na nag-aalok ng trabaho sa abroad higit lalo ang mga may hakbangin na umiwas sa standard procedure ng gobyerno ng Pilipinas.

 

Muli namang nagpaalala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na hindi sila nagre-recruit ng mga mushroom picker o anumang manggagawa patungong Canada at wala pang accredited recruitment agency at aprubadong job order para sa nasabing trabaho sa ngayon.

 

Hinikayat ng POEA ang publiko na tumawag at isumbong ang anumang iligal na aktibidad ng pag-recruit sa hotline numbers na 722-1144 o 722-1155.

 

END/ aldm/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo