Labor dispute sa Lakepower, naresolba ng DOLE

Date Posted: May 2nd, 2018 01:17 PM

Naresolba na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang labor dispute sa isang kumpanya ng electronics sa Rosario, Cavite sa pamamagitan ng maayos na mediation at conciliation, ayon sa anunsyo ng mga opisyal.

 

Nagkasundo ang mga manggagawa at pamunuan ng Lakepower Converter Inc. na isa-alang alang ang mga hinaing ng bawat partido tulad ng pag-withdraw ng notice of strike ng mga empleyado habang ang kumpanya naman ay hindi gagawa ng anumang legal na aksyon laban sa mga manggagawa nito.

 

Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglunsod, sa pamamagitan ng pagresolba sa mga kaso ng hindi pagkakaintindihan, napatutunayan ang patuloy na kampanya ng DOLE para sa industrial peace.

 

Ang Lakepower ay isang Taiwanese manufacturing company na gumagawa ng mga transformer at coil winding, electronic part soldering at PCB assembly at matatagpuan sa Cavite Economic Zone sa Rosario. Mayroong 300 manggagawa ang kumpanya at pinamamahalaan ng kanilang vice-general manager na si Mr. Cheng Senchao.

 

Maaalalang inakusahan ng Samahan ng Manggagawa sa Lakepower Converter Incorporated Independent (SMLCI-IND) ang pamunuan ng kumpanya ng union busting, kabilang na ang iligal na pagtanggal at harassment sa ibang empleyado.

 

Ang pamunuan naman ng Lakepower ay nakipagkasundo na ibalik sa trabaho ang 64 tinanggal na opisyal at miyembro ng unyon sa kondisyon na dapat nilang irespeto at sumunod sa panuntunan at regulasyon ng employer, iwasan ang pagbibigay ng hindi maayos na pahayag o pagpapalabas ng negatibong publicity sa media na maaaring makapaglagay sa kumpanya sa alanganin.

 

“Nagpapagsalamat kami sa kumpanya dahil maaari na kaming bumalik sa aming mga trabaho. Nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan dati sa kumpanya ngunit ngayon ay pinakikinggan na nila kami at ito nga ang nagresulta sa pagkakaresolba ng kaso,” ayon kay Mercy Tanginan, pangulo ng unyon.

 

Noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagtungo ang unyon sa NCMB para sa isang preventive mediation hanggang sa nagsampa na sila ng notice of strike nang hindi nagkaintindihan ang dalawang panig sa negosasyon noong Disyembre.

 

“Nagkaroon ng middle ground ang pamunuan ng Lakepower upang maresolba natin ang kaso. Nagusap kami sa mga terms at kondisyon na rasonable naman sa mga manggagawa at natutuwa rin kami dahil tinaggap ng unyon ang aming mga kondisyon,” wika ni Atty. Ma. Carmen Espinosa, legal counsel ng Lakepower.

 

#Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo