Bilang ng naregular na manggagawa, dumarami sa CALABARZON

Date Posted: April 3rd, 2018 02:55 PM

Nakapagtala ang Department of Labor and Employment ng karagdagang 830 manggagawa sa industriya ng serbisyo sa CALABARZON na magkakaroon na ng regular na trabaho.

 

Ito ay matapos maglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng compliance order sa Zenith Foods Corporation, kabilang ang dalawa nitong service contractor, ang Staff Search Asia Service Cooperative at Sikap Cleaning and Sanitation Services, upang iregular ang kanilang mga manggagawa matapos na mapatunayang sangkot sila sa labor-only contracting.

 

Ang Zenith Foods ay ang central commissary ng Jollibee Foods Corporation na namamahala sa planta ng food processing sa Calamba, Laguna. Umaagapay ito sa higit 800 Jollibee at Greenwich stores sa loob at labas ng Pilipinas.

 

Ilan sa mga paglabag na nakasaad sa compliance order ay ang kakulangan sa substantial capital sa bahagi ng mga kontraktor dahil ginagamit ng mga manggagawa ang mga kagamitan at equipment ng principal sa pagganap nila ng tungkulin at serbisyo.

 

Ang principal employer rin ang siyang may tuwirang kontrol at authority sa mga trabaho na ibinibigay sa mga manggagawa, maging ang pagtatrabaho nila kasama ang mga regular na empleyado ng principal kung saan pareho ang kanilang ginagampanang tungkulin na mayroong direktang kaugnayan sa pangunahing negosyo ng employer.

 

Ang principal at ang kontraktor ay napag-alaman ring lumabag sa general labor standards dahil sa hindi pagbabayad nito sa mga manggagawa ng mga benepisyong itinatakda ng batas ayon sa joint assessment na isinagawa ng mga labor laws compliance officers (LLCOs).

 

Dahil sa mga naitalang paglabag, inutusan ng DOLE ang Zenith Foods at ang Staff Search Asia Service Cooperative na magbayad ng hanggang P1.2 milyong piso sa 868 manggagawa upang maibalik ang mga hindi naaayong pagbabawas sa suweldo nila bilang kabayaran umano sa para sa annual physical/medical examination.

 

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo