Mag-ingat sa illegal recruiters sa Macau

Date Posted: February 15th, 2018 03:19 PM

Pinag-iingat ang mga manggagawang Pilipino at turistang naghahanap ng trabaho sa pagtanggap ng inaalok na trabaho mula sa ibang Pilipino para sa di-umano’y trabaho sa China.

 

Sa isang ulat, sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration na inendorso ng Department of Foreign Affairs ang kaso ng isang Pilipinang household service worker sa Macau na di-umano’y ni-rekrut ng isang Pilipina, na pinangalanan bilang Pia Ciabacal.

 

Ayon sa DFA, pumunta ang OFW sa Macau bilang turista at nakakuha ng trabaho bilang household service worker.

 

Inalok siya di-umano ni Ciabacal ng trabaho sa Beijing para sa kaparehong posisyon na may buwanang sahod na RMB7,500 kada buwan. Nakapasok at nakapag-trabaho ang domestic worker sa China subalit tumanggi ang kanyang employer na ibigay ang kanyang sahod para sa serbisyong kanyang ginampanan. Kinumpiska din ng kanyang employer ang kanyang pasaporte at cellular phone.

 

Nagtatrabaho sa Macau di-umano si Ciabacal at ang iba pang Pilipino bilang ahente ng isang Chinese recruiter na kilala lamang bilang “Fancy”. Pagmamay-ari daw ni Fancy ang isang establisyamento na MMC Enterprises na matatagpuan sa Beleno Shop, Red Market sa Macau. Ang Beleno shop ang ginagamit bilang pangtakip sa palihim na operasyon ng MMC bilang recruitment agency kung saan ang tinatarget ang mga walang kamalay-malay na mga Filipino at Indonesian.

 

Nakatanggap din ng ulat ang POEA na ineengganyo ang mga Filipino household service worker sa Hong Kong, Singapore, at Cyprus na lumipat sa ibang bansa tulad ng Dubai, Mongolia, Turkey, at Russia.

 

Huli na nang malaman ng mga OFW na ang sitwasyon ng kanilang pagtatrabahuhan ay hindi iyong kanilang inaaakala, o sa kinasamaang-palad, walang trabahong naghihintay sa kanila. Karamihan sa mga recruiter ay foreign national na may kasosyong Filipino para sa kanilang mga iligal na gawain.

 

May mga ulat na may mga manggagawa na napaniwala sa ganitong raket at nakapag-bayad ng malaking halaga para makapag-biyahe sa mga third country gamit ang tourist visa na wala man lang katiyakan na may employer na naghihintay sa kanila. Iyong mga nakahanap naman ng trabaho ay nakakaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang employer, at dahil sa kakulangan ng tamang dokumento, ang kawawang manggagawa ay dinarakip at dinideport ng mga awtoridad.

 

Tinuturing na iligal ang pag-rekrut sa pamamagitan ng third country kung alinman sa recruiter o employer ay walang sapat na awtorisasyon mula sa pamahalaan ng Pilipinas.

 

Para sa kanilang proteksiyon, dapat makipag-transaksiyon lamang ang aplikante para sa trabaho sa ibang bansa sa mga lisensiyadong recruitment agency dito sa Pilipinas. Mayroon silang nararapat na work permit o visa o employment contract na inaprobahan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at prinoseso ng POEA.

 

###/gmea

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo