Labor agreement, lalagdaan ng Pilipinas at Israel

Date Posted: February 1st, 2018 10:46 AM

Nagsasagawa na ng pag-aaral ang pamahalaan kaugnay sa mga probisyon ng panukalang bilateral labor agreement sa Israel at nakatakda na rin itong pirmahan ng dalawang bansa.

 

Nagpadala na si Labor Secretary Silvestre Bello III ng grupo ng mga opisyal sa Tel Aviv upang makipagpulong sa mga labor official ng Israel at magsumite ng rekomendasyon upang lagdaan ang nasabing bilateral labor agreement.

 

Sa isang administrative order, inatasan ni Bello ang grupo na linawin ang mga isyu upang maisakatuparan ang framework agreement at pagpapatupad ng mga protocol para sa temporary employment ng mga Pilipinong caregiver na aagapay sa mga disabled at elderly sa Israel.

 

Positibo naman si Bello na makakamit ng kasunduan ang layon nitong maibigay ang pangangailangan ng mga Pilipino tungo sa “adoption of harmonized positions on current differences” na nag-aantala sa pagpapatuloy ng kasunduan.

 

Binubuo ang grupo nina Undersecretary Claro Arellano na humahawak ng legal, legislative, at international affairs, si Undersecretary Dominador Say para sa employment at policy support, at mga opisyal at kawani mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at DOLE - International Labor Affairs Bureau (ILAB).

 

Kabilang rin sa grupo ang opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).

 

Nagpanukala na ang Pilipinas ng mga hakbangin upang mabawasan ang mataas na bayarin ng mga Pilipinong caregiver at bigyan sila ng karagdagang proteksyon mula sa mga accredited private agencies.

 

Itinutulak rin ng pamahalaan ang pagkakaroon ng probisyon na titiyak sa pagsunod sa recruitment law upang masiguro ang karapatan at kapakanan ng mga aplikante at transferee.

 

Umaasa naman ang mga opisyal na ang mga nasabing panukalang probisyon ay posibleng maisakatuparan sa Philippines-Israel bilateral labor agreement.

 

END/aldm/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo