Manggagawa sa Ilocos tatanggap ng karagdagang sahod

Date Posted: January 22nd, 2018 04:41 PM

Ang mga manggagawa sa Region 1 na tumatanggap ng minimum sahod ay makakatanggap ng karagdagang sahod simula Huwebes, Enero 25.

 

Ipinahayag ng Department of Department of Labor and Employment-Regional Office I na nagpalabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board-1 ng Wage Order RB1-19 at Implementing Rules and Regulations na nag-aatas ng karagdagang P30 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Large Non-Agriculture and Commercial Fishing Establishments.

 

Makakatanggap ng karagdagang P20 ang mga manggagawa sa Medium Non-Agriculture Establishments, samantalang tatanggap naman ng karagdagang P13 kada araw ang mga manggagawa sa Small and Micro Establishments and Agriculture (Plantation and Non-plantation).

 

Sinabi ni RTWPB-1 Chair at DOLE-RO I Regional Director Nathaniel V. Lacambra na sakop ng bagong pag-taas sa sahod ang lahat ng manggagawa at empleyado sa pribadong sektor na tumatanggap ng minimum na sahod anuman ang kanilang posisyon, katungkulan, o estado ng empleo at anuman ang pamamaraan ng pagbabayad ng kanilang sahod.

 

Hindi naman sakop ng nasabing kautusan ang mga kasambahay; mga nagtatrabaho para sa personal na serbisyo kabilang ang family driver; at ang mga manggagawa at empleyado ng rehistradong Barangay Micro Business Enterprises (BMBE) na may Certificates of Authority batay sa Republic Act 9178, na inamyendahan.

 

“Binigyang-pansin ng Board sa pagtatakda ng bagong sahod na ito ay makakatulong sa tinatayang pagtaas ng presyo sa mga manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod simula ngayong taon,” ani Director Lacambra.

 

Sa ilalim ng kasalukuyang Wage Order RB1-18, ang minimum na arawang sahod ay mula P243 hanggang P280, batay sa klase ng industriya.

 

Sa pagbubuo ng bagong wage order, sinabi ni Lacambra na isinaalang-alang ng Board ang kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng rehiyon, gayundin ang kakayahan ng iba’t ibang negosyo.

 

Isinagawa ang konsultasyon sa publiko sa usapin sa sahod noong Oktubre 23, 26 at 27, 2017 sa Pangasinan, La Union at Ilocos, ayon sa pagkakasunod, upang kunin ang posiyon ng sektor ng manggagawa at mamumuhunan.

 

Binubuo ang RTWPB-I ng mga sumusunod: Regional Director Nathaniel V. Lacambra, Chairperson; DTI Regional Director Florante O. Leal at NEDA Regional Director Nestor G. Rillon, Vice-Chairpersons, kumakatawin sa sektor ng pamahalaan; Jerry V. Parlan at Salvador R. Poserio, kumakatawan sa sektor ng mamumuhunan; at Eliseo P. Flora at Catherine Q. Pangan, kumakatawan sa sektor ng manggagawa.

 

END/Arly Sta. Ana-Valdez/gmearce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo