Pangangailangan ng manggagawa sa Malaysia, tumaas

Date Posted: October 20th, 2017 03:03 PM

Maaaring isaalang-alang ng mga Filipino ang bansang Malaysia kung nanaisin nilang magtrabaho sa ibang bansa, pahayag kahapon ng Philippine Overseas Labor Office sa Kuala Lumpur.

 

Sa ulat na ipinadala sa labor department, sinabi ng KL POLO na nagkaroon ng oportunidad sa trabaho matapos ang desisyon ng pamahalaang Malaysia na luwagan ang limitasyon sa mga banyagang manggagawa para matugunan ang problema ng mga kompanya sa kakulungan sa manggagawa.

 

Batay sa STAR (Malaysia), sinabi ng POLO sa Kuala Lumpur na maaaring mag-aplay para sa 100 porsiyentong banyagang manggagawa ang mga export-oriented manufacturer para sa mga mababang posisyon (low-level) na trabaho ayon na rin sa layunin ng pamahalaan na panatilihin ang competitiveness ng Malaysia sa global supply chain.

 

Sinabi ni Deputy Home Minister Datuk Nur Jazlan Mohamed na bibigyang prayoridad ang mga manufacturing company na nag-export ng kanilang produkto, pero ito ay para sa mga manggagawa sa production lamang.

 

Ang pangunahing suliranin na kinakaharap ng mga kompanya ay ang kakulangan sa manggagawa para sa paglawak ng kanilang negosyo upang tugunan ang pangangailangan mula sa mga international buyer, ani Mohamed.

 

Idinagdag din ng Deputy Home Minister na ang ginawang desisyon ay sa dahilang hindi rin nais ng mga Malaysian na magtrabaho sa production line. Kanyang idinagdag na ang ratio ng lokal sa banyagang manggagawa sa manufacturing sector ay 1:3.

 

Nakasaad din sa ulat na maaaring mawala ang mga kostumer ng kompanya ng Malaysia kung hindi nila mapapalawak ang kanilang operasyon.

 

END/POLO KL Malaysia/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo