Dating GIP, PESO Manager na ngayon

Date Posted: October 6th, 2017 11:36 AM

Isang benepisaryo ng Government Internship Program (GIP) mula sa Misamis Oriental ang isa na ngayong Public Employment Service Office (PESO) manager ng kaniyang bayan.

 

Si Vanessa Mae Ramos, isang benepisaryo ng GIP ng DOLE Regional Office No. 10 ay tinalagang bagong PESO Manager sa Villanueva, Misamis Oriental. Inerekomenda siya sa posisyon ni DOLE Eastern Misamis Oriental Provincial Field Office (EMO PFO) Chief Errol Natividad.

 

“Masipag magtrabaho si Vanessa at makikita mo ang kanyang dedikasyon sa kanyang mga gawain. Ipinanganak siya para magsilbi sa publiko,”ani Natividad.

 

Nagtrabaho si Ramos bilang intern sa DOLE Regional Office 10 mula Marso hanggang Hunyo 2016 at nagpakita ng kagalingan at kasanayan sa pagbibigay ng serbisyo publiko. Dahil sa kanyang dedikasyon na magsilbi, agad siyang natanggap bilang Job Order staff ng EMO PFO mula Hulyo hanggang Disyembre 2016.

 

“Lubos akong nagpapasalamat sa oportunidad dahil maipagpapatuloy ko kung ano ang nasimulan ko sa DOLE,” ani Ramos.

 

Kanyang idinagdag: “Hindi ko makakamit ito kung hindi dahil sa mga taong nagtiwala at naniwala sa akin. Nagpapasalamat ako sa Panginoon, sa aking pamilya, sa mga kawani sa DOLE-X- EMO PFO, lalo na kay Sir Natividad sa kanyang mga gabay at payo. Malaki din ang utang na loob ko sa Local Government Unit ng Villanueva, lalo na kay Mayor Jennie Rosalie T. Uy, sa kanyang pagtitiwala at pagbibigay ng pagkakataon na makapagsilbi sa taong-bayan.”

 

Nagtapos ang dating GIP ng Bachelor of Science in Business Administration, major in Financial Management sa Xavier University-Ateneo de Cagayan.

 

Ang GIP ay nagbibigay ng oportunidad sa mga kabataang manggagawa na magsilbi sa taong-bayan sa pamamagitan ng mga proyekto at programa ng mga ahensiya ng pamahalaan. Ito ay nagiging daan para mapakita nila ang kanilang talento at kasanayan at hikayatin sila na pagpatuloy ang kanilang propesyon sa pamahalaan.

 

END/Safrali S. Cabili/DOLE-X EMO PFO/GMEArce
    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo