Kampanya ng Region 4A kontra batang-manggagawa pinapurihan ng US labor department

Date Posted: August 31st, 2017 10:37 AM

Pinapurihan ng US Department of Labor ang kampanya kontra sa batang-manggagawa ng Department of Labor and Employment matapos bisitahin ang Angono, Rizal–ang kauna-unahang munisipalidad sa bansa na child labor-free.

 

Dumalaw sa munisipalidad sina US officials Monika Hartsel at Rommel Calderwood upang pag-aralan kung paano nagawa ng lokal na pamahalaan na wakasan ang child labor sa mga barangay at mapanatili ng komunidad ang kanilang pagiging child-labor free.

 

Sa kanilang pagbisita, inilahad ni Public Employment Service Office (PESO) in-charge Jolan Aralar ang child-labor free program ng munisipalidad, samantalang isinalaysay naman ng mga punong-barangay ang kanilang mga gawain tulad ng pagkilala at pag-profile ng mga batang-manggagawa, pagbibigay ng pagsasanay at pangkabuhayan sa mga magulang kung saan may kinilalang batang-manggagawa.

 

Pinatunayan ni Dr. Maribeth de Dios, school supervisor, na ang lahat ng kinilalang batang-manggagawa ay bumalik na sa pag-aaral mula nang ipatupad ang programa sa Angono.

 

Nagpahayag ng paghanga si Hartsel sa sama-samang pagkilos at ipinahayag na ang programa ng nasabing bayan upang wakasan ang child labor ay maaaring gawing modelo ng iba pang lokal na pamahalaan.

 

Lumagda ang lokal na pamahalaan ng kasunduan kasama ang DOLE at ang Department of Interior and Local Government (DILG) upang suportahan at ipatupad ang kampanya para sa isang Child Labor-Free Municipality.

 

Matapos ang isang taon, sumailalim sa pagsasanay ang mga opisyal ng barangay sa pangangasiwa, mabawasan at tuluyang wakasan ang pagpapatrabaho sa mga bata.

 

Sa pamamagitan ng P750,000 pondo mula sa DOLE, napagkalooban ng raw material, kagamitan at kasangkapan para sa proyektong pangkabuhayan ng barangay Kalayaan at Mahabang Parang. Ang mga proyekto ay doormat at rag making at homecare products. Ang proyekto ay nagbigay ng karagdagang kita sa mga magulang ng kinilalang batang-manggagawa upang mabawasan ang kaso ng child labor.

 

Kinilala ang Angono bilang kauna-unahang child labor-free municipality noong Agosto ng nakaraang taon.

 

Pinasalamatan ni DOLE CALABARZON Regional Director Ma. Zenaida A. Angara-Campita si Mayor Gerry Calderon para sa kanyang supora para sa epektibong pagpapatupad ng programa para wakasan ang insidente ng child labor sa munisipalidad.

 

END/aldm/with reports from Jorge Manuel C. Laude (DOLE RO-4A)/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo