P10-M benepisyo tinanggap ng manggagawa sa Negros sa tulong ng DOLE

Date Posted: August 15th, 2017 01:07 PM

Mahigit 600 manggagawa mula sa Negros Island Region ang natulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang matanggap ang kanilang benepisyo na nagkakahalaga ng P10 milyon.

 

Ang hiling na tulong na inihain ng mga manggagawa ay ang reklamo dahil sa iligal na pagkakatanggal sa trabaho, hindi pagbabayad at hindi sapat na pagbibigay ng sahod, hindi pagbabayad ng overtime, holiday, night shift differential, 13th month at separation pay, hindi pagbibigay ng benepisyo tulad ng SSS, Philhealth, at Pag-IBIG; at hindi awtorisadong pagkakaltas ng cash bond.

 

Sinabi ni DOLE-NIR Director Exequiel Sarcauga na ang pagbibigay ng benepisyo ay bunga ng pagpupunyagi ng Single Entry Approach Desk Officers (SEADOs) na maresolbahan ang 283 sa 339 Requests for Assistance (RFA) na inihain sa rehiyon mula Enero hanggang Hunyo 2017, o katumbas ng 83 porsiyento settlement rate.

 

Kanyang idinagdag na ang kabuuang halaga ay umabot ng Php 10,188,745.03, kung saan 682 manggagawa ang nabenepisyuhan mula sa iba’t ibang establisyamento sa Negros. Humigit-kumulang na siyam na araw ang ginugol upang maisaayos ang 283 RFA.

 

Idinagdag ni Sarcauga na conciliation-mediation ang ginamit na paraan sa SEnA sa pagsasaayos at pagkakasundo ng dalawang partido.

 

“Malugod kong ipinahahayag na maayos na ipinatutupad ng mga SEADO ang kanilang tungkulin at ito ay pinapatunayan ng magandang pagpapatupad ng SEna sa NIR. Makatitiyak ang mga manggagawa na ang DOLE ay laging nandito upang tugunan ang kanilang mga suliranin sa paggawa,” ani Sarcauga.

 

Ang SENA ay isang pamamaraan ng DOLE kung saan sasailalim sa 30-araw na pagpupulong ang dalawang partido upang magkaroon ng mabilis, walang kinikilingan, at walang gastos na pagkakasundo sa lahat ng usapin ukol sa paggawa upang hindi na ito lumala pa.

 

END/GSR/Dpadua with reporting from G. Iwayan/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo