Dagdag sahod sa mga manggagawa sa Northern Mindanao

Date Posted: July 26th, 2017 03:38 PM

Ipinahayag ng Department of Labor and Employment na ang mga manggagawa sa Northern Mindanao ay makatatangap ng karagdagang sahod matapos magpalabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Region 10 ng Wage Order No. 19.

 

Simula Hulyo 16, 2017, ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa rehiyon ay mayroong karagdagang P15.00 para sa Wage Category I; P13.00 naman para sa Wage Category II; P10.00 sa Wage Category III; at P8.00 sa Wage Category IV.

 

Ang mga manggagawang kabilang sa Wage Category I ay ang mga nasa lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan, at ang munisipalidad ng Tagoloan, Villanueva, at Jasaan. Ang bagong minimum wage ay P333.00 para sa non-agriculture workers at P321.00 naman para sa agriculture workers.

 

Kabilang naman sa Wage Category II ay ang lungsod ng Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador at Ozamiz, at ang munisipalidad ng Opol, Maramag, Quezon, at Manolo Fortich. Ang minimum wage ay magiging P326.00 para sa non-agriculture workers at P314.00 naman para sa agriculture workers.

 

Ang Wage Category III naman ay kinabibilangan ng lungsod ng Oroquieta at Tangub, at munisipalidad ng Lugait, Laguindingan at Mambajao. Base sa bagong wage order, magiging P318.00 na ang minimum na pasahod sa non-agriculture sector at P306.00 naman para sa agriculture sector.

 

Kabilang naman sa Wage Category IV ang mga lugar na hindi kabilang sa tatlong kategorya at ang mga establisyamentong binubuo ng hindi hihigit sa sampung manggagawa ay makakatanggap ng P311.00 na sahod para sa non-agriculture sector at P299.00 naman sa agriculture sector.

 

Ang lahat ng manggagawang nabanggit sa anumang kategorya ay makatatanggap ng P5.00 Cost of Living Allowance (COLA) simula Disyembre 1, 2017.

 

Sa bagong wage order, ang munisipalidad ng Opol ay napabilang sa Wage Category III mula sa II, samantalang ang munisipalidad naman ng Laguindingan ay napabilang sa Wage Category IV mula sa III, dahil sa patuloy na pag-usbong ng ekonomiya ng lokalidad.

 

Hindi naman sakop ng bagong wage order ang mga kasambahay at ang mga nagbibigay ng personal na serbisyo, dahil sila ay sakop ng Republic Act No. 10361, at maging ang mga manggagawa ng Barangay Micro Business Enterprise na sakop naman ng Go Negosyo Act (RA 10644).

 

END/aldm/DOLE RO 10/RTWPB 10/Abegail De Vega

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo