Mga kabataan sa CALABARZON mas malaki ang tsansa na makakuha ng trabaho

Date Posted: June 28th, 2017 03:06 PM

Inilunsad kamakailan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang employment framework na naglalayong paikliin ang school-to-work transition ng mga graduate at maitaas ang employability rate ng mga kabataan sa pagbibigay ng comprehensive career guidance and advance skills trainings.

 

Binuo ng DOLE Regional Office IV-A ang Youth Employability Framework na naglalayong itaas ang employability rate ng kabataan sa pagpili ng tamang kurso sa pamamagitan ng self-exploration, community assessment and family integration; at paglulunsad ng life skills training bago sila maging bahagi ng labor force.

 

“Patuloy na naglalatag ang DOLE Region IV-A, kasama ang mga katuwang na organisasyon, ng mga programa tungo sa pag-unlad ng ating manggagwa sa CALABARZON upang matugunan ang suliranin sa unemployment at underemployment, lalo na sa ating mga kabataan,”ani Regional Director Zenaida Angara-Campita.

 

Batay sa pag-aaral na isinagawa ng Asian Development Bank (2016), dumadaan ang Pilipinas sa mahabang school-to-work transition, tumatagal ng dalawa hanggang tatlong taon ang paghahanap ng trabaho ng mga nagtapos sa high school, samantalang isa hanggang dalawang taon para sa mga nagtapos ng kolehiyo, na nakadaragdag sa suliranin ng unemployment ng kabataan.

 

Ang framework ay nakabatay sa Multiple Career Development Pathways Approach ng SEAMEO-INNOTECH, Asian Development Outlook 2016, at American Schools Counselor Association National Model, na naglalayong iklian ang mahabang school-to-work transition at kasalukuyang pinagdadaanan ng mga kabataan sa CALABARZON region.

 

Ipinatutupad din ng Regional Development Council ang employability framework sa pamamagitan ng Resolution No. IV-A-64-2017, na may titulong, “Adopting the Youth Employability Framework and Promoting its Mechanism to Various Instrumentalities of the Government and Private Sector,” upang pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng labor market at labor force supply.

 

“Batay sa nakasaad sa resolusyon, ang DOLE, kasama ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang ahensiya at pribadong sektor ay magtutulungan sa mga gawain na nakasaad sa ilalim ng framework,” ani Campita.

 

END/Abegail De Vega with reports from JM Laude/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo