P1.8M na tulong, handog ng DOLE sa mga magsasaka at mangingisda sa Cebu

Date Posted: June 6th, 2017 01:02 PM

Hinandugan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng P1.8 milyon pisong halaga ng tulong pangkabuhayan ang walong asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa Cebu para sa pagpapatuloy ng kanilang ‘All Season Fishing project’, na inaasahang magpapataas ng kita ng tinatayang aabot sa 436 mga mangingisda at kanilang pamilya.

 

“Mas maraming manggagawa sa impormal na sektor sa Central Visayas kabilang ang mga mangingisda at magsasaka ang magkakaroon ng pagkakataon na makatanggap ng mga programang pangkabuhayan ng DOLE. Ang tulong pangkabuhayan na ito ang siyang mag-aangat at magpapalakas ng kanilang pamumuhay,” ayon kay DOLE Regional Director Elias A. Cayanong.

 

Nakatanggap ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P587,800 ang Mancilang Fisherfolks Association habang ang Barangay Poblacion Small Fishermens Association at Kodia Fisherfolks Association ay parehong nakatanggap ng P215,000 na halaga ng ayuda sa pangkabuhayan.

 

Kabilang sa asosasyon ng mga mangingisda na nabigyan ng tulong pangkabuhayan ay ang Bunakan Fisherfolks Association sa halagang P175,000, ang Bunukan Small Squidding Association na nabigyan ng P179,000 at ang Kapunungan sa Gagmayng Mananagat ug Mag-uuma sa Sitio Caltex na tumanggap naman ng P125,000.

 

Dalawang asosasyon rin ng mga magsasaka at mangingisda ang tumanggap ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P175,000 na para sa Tabagak Fishing and Farmers Association at P135,000 naman para sa Tarong Fishermen and Farmers Association.

 

Hinikayat rin ni Cayanong ang mga grupo ng entrepreneur at mga indibidwal na magpatala sa programang pangkabuhayan sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) upang mabago ang kanilang mga proyektong pangkabuhayan at magkamit ng mas produktibong negosyo.

 

“Hinihikayat namin ang lahat na tanggapin ang oportunidad na ito at magpatala sila sa programang pangkabuhayan ng DOLE. Ang kailangan lamang nilang gawin ay magbigay sa amin ng maayos at feasible project proposals,” dagdag pa ni Cayanong.

 

Nilinaw rin niya na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at mga empleyado ng gobyerno kabilang ang mga nasa local government units ay hindi maaaring magpatala sa nasabing programa.

 

“Para sa proyektong panggrupo, ang halaga na ilalabas para sa tulong pangkabuhayan ay babatay sa kategorya na kanilang kukunin. Ang isang organisasyon na may 15-25 miyembro o isang proyekto para sa micro-livelihood, ay maaaring makakuha ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P250,000. Ang mga maliliit na organisasyon na mayroong 26-50 miyembro ay maaari namang makatanggap ng P500,000 halaga ng tulong pinansyal,” paliwanag pa ni Cayanong.

 

Ang isang organisasyon na kinabibilangan naman ng may higit sa 50 miyembro ay maaaring makatanggap ng P1,000,000 halaga ng tulong pinansyal subalit magdedepende pa rin ito sa kategorya ng proyektong kanilang gagawin, dagdag pa ng opisyal.

 

Para naman sa proyektong pang-indibidwal, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng Starter Kit o Negosyo sa Kariton (Nego-Kart), na mayroong halaga ng tulong pangkabuhayan na P20,000.

 

Ang DILEEP ay isa sa mga programa ng Kagawaran ng Paggawa na umaagapay sa mga mahihirap na indibidwal at grupo na magkaroon ng sariling negosyo at mabago ang kanilang uri ng pamumuhay sa pamamagitan ng mas malagong negosyo.

 

END/ Abegail De Vega with report from LSenarlo-Taniza/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo