P1.2M tulong-pangkabuhayan mula sa DOLE, iginawad sa marginalized sector sa La Union

Date Posted: May 23rd, 2017 11:18 AM

Nagbigay ng P1.2 milyong halaga ng tulong-pangkabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa marginalized na manggagawa at sa kanilang pamilya sa La Union upang gawing matatag na negosyo ang kanilang proyektong-pangkabuhayan.

 

May 175 magsasaka mula sa San Gabriel, La Union ang nakatanggap ng P630,000 tulong-pangkabuhayan para sa kanilang proyektong pagsasaka, kung saan P330,000 halaga ng feeds at fertilizer ang ibinigay sa 38 kababaihang-magsasaka para sa kanilang proyektong Agricultural Supply samantalang 137 magsasaka ang nakatanggap ng dalawang rice mill na nagkakahalaga ng P300,000.

 

“Ang tulong-pangkabuhayan ng DOLE ay naglalayong gawing matatag na negosyo ang proyektong-agrikultura ng ating manggagawa, at makatulong upang maragdagan ang kanilang kinikita para sa kapakinabangan ng kanilang pamilya,” ani Regional Director Nathaniel V. Lacambra, sa kanyang pagbibigay ng makina at iba pang kagamitang pangsaka sa mga benepisaryo.

 

Bilang karagdagan, nagbigay din ng P600,000 tulong-pangkabuhayan sa 40 benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program para sa kanilang “NegoKart” o Negosyo sa Kariton.

 

“Ang nasabing halaga ay gagamitin para sa pagbili ng kariton at pagrehistro sa micro-insurance ng mga benepisaryo. Mula naman sa lokal na pamahalaan ng Bacnotan, sasailalim ang mga benepisaryo sa pagsasanay sa business management, proper food preparation, handling and sanitation, at pag-aaplay ng business permit,” ani Lacambra.

 

Ang tulong-pangkabuhayan ay mula sa DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), isa sa mga pangunahing programa ng kagawaran na tumutulong sa mga indibidwal at grupo ng manggagawa upang gawing matatag na negosyo ang kanilang proyektong-pangkabuhayan.

 

END/ Abegail De Vega with report from Arly Sta. Ana-Valdez/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo