10k trabaho alok sa Araw ng Paggawa sa Central Luzon

Date Posted: April 26th, 2017 04:16 PM

Tinatayang 10,362 oportunidad sa trabaho ang naghihintay sa mga aplikante sa gaganaping job at business fair sa Central Luzon, bahagi ng inihandang gawain ng labor department sa buong bansa sa pagdiriwang ng ika-115 taon ng Araw ng Paggawa.

 

May kabuuang 143 employer at 24 POEA accredited recruitment agencies ang makikibahagi sa pagdiriwang at mag-aalok ng 7,575 lokal na trabaho at 2,787 trabaho sa ibang bansa para sa mga naghahanap ng trabaho partikular sa mga bagong gradweyt, manggagawang nawalan ng trabaho, at ang mga umuwing overseas Filipino workers.

 

Kabilang sa mga bakanteng lokal na trabaho ay Production Operators, Customer Service Representatives, Sales Clerks, Customer Service Consultants, Retail and Sales Agents, Sewers, Cashiers, Drivers, at Accounting Staff.

 

Sa kabilang banda, karamihan ng bakanteng trabaho para sa ibang bansa ay Machine Operators, Welders, Housekeepers, Domestic Helpers, Construction Workers, Automotive Mechanics, Bakers, Baristas, Caretakers, Drivers, Nurses, at Waiters/Waitresses.

 

Ang job at business fair sa nasabing rehiyon sa Mayo 1 ay gaganapin sa SM City Baliuag sa Bulacan; at SM City Malls - Pampanga, Clark, at San Fernando Downtown sa Pampanga.

 

Kasama sa iba pang lugar na gaganapin din sa nasabing araw ay ang Metro Town Mall sa Tarlac City; Freedom Park Capital Grounds, Cabanatuan City sa Nueva Ecija; at Ayala Harbor Point, Subic Freeport Zone, Zambales.

 

Magsasagawa din ng job at business fair sa Bataan sa Mayo 5 sa Vista Mall, Balanga City.

 

Ang job at business fair sa mga rehiyon ay katulad ng Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) na pinasimulan ng DOLE at Department of Trade and Industry (DTI) na naglalayong ilapit ang oportunidad sa trabaho at negosyo sa lokal na mamamayan.

 

Hinikayat ni DOLE Regional Director Atty. Ana Dione ang mga naghahanap ng trabaho na mag-rehistro sa PhilJobNet website http://philjobnet.gov.ph/ o sa pinakamalapit na PESO sa kanilang lugar bago mag-Mayo 1 to upang makaiwas sa anumang abala sa araw ng job fair.

 

“Pinapayuhan naman ang mga naghahanap ng trabaho na mag-rehistro ng maaga upang makaiwas sa anumang abala. Dumating ng may maayos na kasuotan at magdala ng maraming kopya ng inyong resume, certificates of employment, transcript of records, clearance, photos, at iba pang kinakailangang dokumento ng employer,” ani Dione.

 

Ang pagdiriwang sa Araw ng Paggawa ay may temang, “Matatag na Kabuhayan at Trabaho, Tungo sa Progresibong Pagbabago.”

 

END/ Abegail De Vega with reports from Jerry Borja/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo