Para sa 557 out-of-school youth ng Tarlac: DOLE magbibigay ng P700k tulong-pangkabuhayan

Date Posted: March 14th, 2017 02:50 PM

May 557 out-of-school youths (OSYs) mula sa Tarlac ang nabigyan ng pag-asang makapagsimula ng kanilang sariling negosyo matapos makatanggap ng halagang P779,800 tulong-pangkabuhayan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Sinabi ni DOLE Region III Director Atty. Ana Dione na ang mga OSY-beneficiaries ay ang ikalawang batch ng trainees na nagtapos sa ilalim ng Project HOPE o ang Hone Out-of-school youth to be Productive and Empowered Project.

 

“Ang Project HOPE ay isang scholarship program na sinimulan ng Eduardo Cojuangco Foundation, Inc. (ECF) sa pakikipag-tulungan ng DOLE, na nagbibigay ng technical, vocational at entrepreneurial training sa mga kabataan upang maging produktibong manggagawa,” ani Dione.

 

Sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program, nakatanggap ang mga benepisaryo ng tulong-pangkabuhayan o Kabuhayan starter kits para sa dress-making, massage therapy, shielded metal arc welding, automotive wiring harness assembly, automotive service, electronic product assembly and servicing.

 

Kabilang sa iba pang panimulang negosyo ang electrical installation and maintenance, computer system servicing, refrigeration and air condition servicing, at construction services.

 

Pinasalamatan naman ng mga benepisaryo ang DOLE sa pagbibigay ng Kabuhayan starter kits at nangako na kanilang pauunlarin ang natanggap na tulong-pangkabuhayan.

 

“Kami ay nagpapasalamat sa ECF para sa kanilang scholarship training at nagpapasalamat din kami sa DOLE para sa starter kits na aming magagamit sa pagsisimula ng aming sariling kabuhayan. Ang starter kits ang aming “HOPE” [pag-asa] para sa mas magandang kinabukasan,” ani Maribel Hand na nakatanggap ng dress-making starter kit.

 

Nauna dito, nagkaloob din ang DOLE ng P800,000 halaga ng Kabuhayan Starter Kits sa unang batch na nagtapos sa ilalim ng Project HOPE na binubuo ng 1,000 OSY-beneficiaries.

 

END/Abegail De Vega (with reports from Jerry Borja/CJ Manansala)/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo