OFWs pumasa sa civil service exam sa HK

Date Posted: March 13th, 2017 09:27 AM

Maaari nang magkaroon ng katuparan ang pangarap ng 47 overseas Filipino workers (OFWs) na naninirahan sa Hong Kong at Macau na bumalik ng Pilipinas at magtrabaho sa gobyerno matapos nilang maipasa ang pagsusulit na ibinibigay ng Civil Service Commission (CSC).

 

Ipinahayag ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang CSC advisory tungkol sa resulta ng indibidwal na pagsusulit at pagbibigay ng Certification of Eligibility sa mga pumasa sa Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) na ginanap sa Hong Kong.

 

Batay sa advisory, 47 sa 953 OFW na sumailalim sa pagsusulit, o 4.93 porsiyento, ang pumasa sa CSE-PPT na ginanap sa Kowloon, Hong Kong noong Nobyembre, ayon kay Bello.

 

Sa kabuuang bilang ng pumasa, 17 sa 676 na nagsulit, o 2.51 porsiyento, ang pumasa sa Professional Level exam, samantalang 30 sa 277, o 10.83 porsiyento, ang pumasa sa Sub-Professional Level, aniya.

 

Ang mga pumasa sa Professional level ay sina Mary Joy G. Alfonga, Ma. Tricia Nhela S. Balagso, Joceline A. Dam-Ag, Cynthia T. Dingil, Zosima L. Dul-Og, Lorena B. Galvez, Joanna Marie P. Gutierrez, Yunika V. Moraleja, Maria Venus G. Pacapac, Carla Teresa P. Ramos, Laarni C. Sacramento, Ellen E. Sajulla, Sally B. Solis, Kristine A. Sumawang, Gregoria B. Tolentino, Patricia Clara R. Tubaǹa, at Filipina O. Villacampa.

 

Ang pagkakaroon ng Career Service Professional Eligibility ay angkop para sa parehong first level (clerical) at second level (technical hanggang division chief) position sa gobyerno na hindi nangangailangan ng practice of profession at hindi sakop ng special o iba pang batas.

 

Sa kabilang banda, ang mga pumasa sa sub-professional, na maaaring magtrabaho para sa first level (clerical) position sa gobyerno, ay sina Christina A. Agus, Gemma B. Arnaiz, Mary Faith G. Galve, Salome S. Jimenez, Catherine T. Ronquillo, Maricris C. Tumbaga, Ginalyn T. Agacia, Vernisa A. Alingbas, Annalou B. Bodoǹa, Retchell L. De Lemos, Ana Rose R. Gapusan, Jocelyn U. Ventura, Azenith G. Antonio, Jomaica Marie F. Cuenco, at Malou L. Dela Cruz.

 

Kabilang din sa pumasa sa sub-professional level sina Janet D. Flores, Marina E. Petallano, Ana Marie G. Bayot, Cristy Anne A. Leal, Babylyn A. Abasa, Mary Ann G. Alegarme, June Andrea D. Ramos, Loniza G. Navaja, Silvestra B. Balatico, Argelisa M. Baleros, Mary Ann B. Liegen, Merania T. Ngupos, Princess Joy E. Peralta, Mary C. Ekwasen, at Gladde Mae D. Balucan.

 

Batay sa impormasyon na kalakip ng advisory, sinabi ni Bello na personal dapat nilang kunin ang kanilang Certification of Eligibility sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas sa tanggapan ng CSC na nakatala sa kanilang online registration form. Hindi pinapayagan na representatives lamang ang kukuha ng kanilang Certification.

 

Kanyang idinagdag na sa pagkuha ng kanilang Certification, dapat nilang ipakita ang kanilang balidong Philippine Passport, Hong Kong Identity Card, o Macau Identification Card at, kung mayroon, ang kanilang application receipt o CSC official receipt.

 

Pinaalalahanan ni Bello ang mga pumasang OFW na ang pagkakaroon ng Professional o Sub-Professional Eligibility ay isa lamang sa mga kinakailangan upang sila ay makapag-aplay ng trabaho sa tanggapan ng gobyerno.

 

“Ang iba pang kinakailangan upang matanggap sa permanenteng posisyon sa gobyerno ay education, working experience at relevant trainings,” aniya.

 

Ang pagbibigay ng pagsusulit ng CSC ay bahagi ng reintegration campaign ng DOLE upang hikayatin ang mga OFW na bumalik na sa ating bansa.

 

“Ang inisyatibong ito ay suporta sa reverse migration advocacy ng ating pamahalaan," ani Bello.

 

END/TDL/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo