DOLE magtatakda ng mas maraming job fair sa Central Visayas ngayong Marso

Date Posted: March 11th, 2017 04:20 PM

Magsasagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mas maraming job fair ngayong buwan upang magbigay oportunidad sa mga jobseekers na makahanap ng trabaho at nang mabawasan na rin ang unemployment rate ng bansa.

 

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na mas maraming local at overseas-based na trabaho ang naghihintay sa mga jobseekers sa job fairs na gaganapin sa Central Visayas sa buwan na ito.

 

"Kami ay masigasig na nagbibigay ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho, lalo na sa mga bagong gradweyt. Ito ang aming paraan para maipaabot ang aming serbisyo sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang rehiyon. Maliban dito, kami rin ay naghahanda rin para sa iba pang karagdagang job fair sa buong bansa," sabi ni Bello.

 

Ayon kay DOLE RO7 Regional Director Exequiel R. Sarcauga, ang lokal at overseas job fairs ay gaganapin sa Cebu City upang higit pang mapaunlakan ang mga naghahanap ng trabaho, lalo ang mga bagong gradweyt, walang trabaho, at displaced workers na nagmula sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon, kabilang na ang Bohol, Negros Oriental, at Siquijor.

 

Ang lokal at overseas job fairs ay gaganapin sa Cebu Provincial Capitol Social Hall sa Marso 12 at sa University of San Jose-Recoletos, Cebu City sa Marso 16-17.

 

Ang iba pang job fairs ay isasagawa sa Cebu City Sports Center at Panphil B. Frasco Memorial Sports Complex sa Marso 18 at sa Mandaue City Sports Complex sa Marso 20.

 

Hinihikayat din ng regional director ang mga naghahanap ng trabaho na magparehistro sa PhilJobNet (http://philjobnet.gov.ph) upang maiwasan ang pagkaantala kung pupunta sa job fair.

 

Pinaalalahanan din na magdala ng 2x2 photos; original at photocopies ng kanilang pasaporte; curriculum vitae; NBI clearance; training certificate; certificate of employment; PRC license; diploma; at birth certificates.

 

Ang DOLE, sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment (BLE) at Public Employment Service Offices (PESO), ay kasalukuyan ring naghahanda ng mga susunod pang nationwide job fairs na mag-aalok trabaho sa maraming Pilipino.

 

END/ Luchel Taniza/Abegail De Vega/ mdd

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo