Bello: Mga OFW na apektado ng sunog sa Qatar, tulungan

Date Posted: March 8th, 2017 03:02 PM

Inatasan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Qatar na madaliin ang pagbibigay ng tulong sa 300 overseas Filipino workers (OFW) na apektado ng naganap na sunog noong Biyernes sa UCC Labor Camp ng Elegancia Hospitality Group sa Al-Shehaniya, na may 33 kilometro mula sa hilaga ng Doha.

 

Bilang tugon sa mga nakalap na ulat, inatasan na ni Bello ang mga tauhan sa POLO na pinangungunahan ni Labor Attaché David Des Dicang na magbigay ng karampatang tulong sa mga OFW, bantayan ang kanilang kondisyon, at tiyakin na makababalik sila ng maayos sa kanilang mga trabaho.

 

Sa ulat kay Bello, sinabi ni Dicang na ang sunog ay nagresulta sa pansamantalang pagkawala ng trabaho ng may 300 Pilipinong manggagawa na karamihan ay namamasukan bilang mga cleaner at tea boy. Ayon din sa ulat, nawalan ng mga personal na gamit ang mga biktima sa naganap na sunog.

 

Sinabi rin ni Dicang na wala namang napaulat na namatay sa insidente ngunit may isang Sherwin Manlapaz ang nagtamo ng mga sugat sa kanyang hita at kasalukuyan nang sumasailalim sa gamutan.

 

Ang mga apektadong OFW ay kasalukuyan umanong nanunuluyan sa isang accommodation area noong nasunog ang tatlong palapag na gusali. Batay naman sa ulat ng mga otoridad, inaalam pa rin nila ang pinagmulan ng sunog. Idineklara namang under control ang sunog dakong alas 7:00 ng gabi oras sa Qatar noong Biyernes.

 

Ang POLO-OWWA at ang Embassy team na binubuo ng kinatawan ng DSWD at ng Assistance to Nationals (ATN) team, na siyang nakikipag-ugnayan sa mga humihingi ng tulong sa Qatar, ay sinamahan na rin ang grupo ng Filipino community sa Qatar sa pagbibigay ng pangunang tulong tulad ng damit, pagkain, tubig, at gamot para sa mga apektadong OFW.

 

END/ mdd/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo