Manggagawang naapektuhan ng El Niño sa Sultan Kudarat, nakatanggap ng P1.1-M tulong mula sa DOLE

Date Posted: March 3rd, 2017 05:10 PM

May 153 manggagawa sa Sultan Kudarat na nawalan ng trabaho dulot ng El Niño ang nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P1.1 milyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Hinimok ni DOLE Regional Office No. 12-Sultan Kudarat Field Office Head Arlene R. Bisnon ang mga mangagawang-benepisaryo mula sa munisipalidad ng Senator Ninoy Aquino na alagaan at paunlarin ang kanilang proyektong pangkabuhayan.

 

“Hindi mag-aalangan ang DOLE na magbigay ng karagdagang pondo kung makikita namin na maayos ang inyong proyektong-pangkabuhayan,” ani Bisnon.

 

Ang proyektong pangkabuhayan ng mga benepisaryong manggagawa ay dressmaking, vulcanizing, welding, carpentry, coffee grinding, massage therapy, gardening, hair care, balut vending, hog raising, cooking, at food processing.

 

Naglaan ang DOLE Regional Office No. 12 ng kabuuang P1,395,500, sa nasabing munisipalidad para sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa at proyekto sa ilalim ng DILEEP Kabuhayan Program at SPES para sa mga estudyanteng nasa kolehiyo.

 

Nagpahiwatig ng pasasalamat sa DOLE si Senator Ninoy Aquino Mayor Randy L. Ecija sa tulong na ibinigay nito para sa mga naapektuhang manggagawa sa nasabing probinsiya.

 

“Tinitiyak namin sa DOLE na aming babantayan ang mga proyektong pangkabuhayan upang masiguro ang pag-unlad ng kabuhayan ng mga benepisaryo,” ani Ecija.

 

END/TDL/GMEArce
    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo