Manggagawa ng Bukidnon, Natulungan ng SEnA ng DOLE na makuha ang Separation Pay at Benepisyo

Date Posted: March 3rd, 2017 10:54 AM

Sampung empleyado ng pribadong kumpanya sa Bukidnon ang nakatanggap ng P119,000.00 na kabuuang halaga ng benepisyo kasunod ng pagresolba ng kanilang Request for Assistance (RFA) sa pamamagitan ng Single Entry Approach (SEnA) na ginawa ng Department of Labor and Employment-Regional Office No.10-Bukidnon Provincial Field Office (DOLE RO 10-Buk PFO).

 

Ang SEnA ay ang administratibong hakbang na nagpapadali, nagbibigay ng patas, mababang gastos, at maayos na pagresolba sa lahat ng isyu at reklamo na nagaganap sa pagitan ng employer at empleyado nito at upang hindi na lumaki pa ang kaso o maging full blown dispute or labor case.

 

Ayon kay DOLE RO 10-Buk PFO Head Raul L. Valmores, 10 empleyado na pinangungunahan ni Rinhold S. Mangubat ang humingi ng tulong sa DOLE-Buk PFO noong Enero 24, 2017, dahil sa hindi pagbibigay ng kanilang employer ng 13th month pay at pagbabayad umano sa kanila ng mababa sa tamang suweldo.

 

Noong Pebrero 1, 2017 nagkaroon ng unang hearing ang RFA at napagkasunduan ng kumpanya sa Don Carlos, Bukidnon at ng mga manggagawa nito na aregluhin na lamang at resolbahin ang mga kailangang ibigay na benepisyo.

 

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga empleyado sa DOLE RO 10-Buk PFO para sa mabilis at maayos na aksyon nito sa kanilang hinaing.

 

“Malaki ang pagpapasalamat naming sa DOLE dahil sa nakuha naming halaga ng benepisyo na matagal na naming hinihintay. Nagpapasalamat rin kami sa aming employer dahil ibinigay rin nila ang dapat ay para sa amin,” ayon sa mga empleyado.

 

END/Tim Laderas with a report from Arcelie A. Escasinas/ Paul Ang
    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo