Sa tulong ng DOLE-Region 8, 13th month pay ng construction worker, ibinigay

Date Posted: March 3rd, 2017 10:53 AM

Sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 8, natanggap na ng mga construction worker mula sa Tacloban City ang kanilang 13 month pay mula sa kanilang contractor.

 

Pumayag ang Southern Pine Construction, ang contractor na kinuha ng Robinson Corporation para sa pagtatayo ng Summit Hotel, na bayaran ang kabuuang halaga P766,436.67 sa 76 manggagawa na naghain ng request for assistance sa ilalim ng Single Entry Approach ng DOLE para sa hindi pagbabayad ng 13th month pay.

 

Pinapurihan ni DOLE Regional Director Elias A. Cayanong ang pagsisikap nina Norman Uyvico at Virgilio Doroja, Jr. na maisaayos ang reklamo upang magkasundo ang manggagawa at ang management.

 

“Pinasasalamatan din namin ang management ng Southern Pine Construction management sa kanilang pagtugon sa panawagan ng mga manggagawa na malutas ang kanilang hinaing ng mabilis at hindi magastos,” ani Cayanong.

 

Nakatanggap ang DOLE RO8 ng 33 reklamo sa hindi pagbabayad ng 13th month pay para sa taong 2016, at sumailalim sa assessment visit ng DOLE labor laws compliance officers ang mga establisyamentong inireklamo.

 

Dagdag pa dito, pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na bayaran ang 13th month pay sa takdang panahon dahil ito ang nakasaad sa probisyon ng Labor Code.

 

Ang 13th month pay ay nangangahulugan ng one-twelfth (1/12) ng basic salary ng isang empleyado sa loob ng calendar year. Kasama sa basic salary ang lahat ng kinita o binayad ng employer sa serbisyong ginampanan ng empleadyo, ngunit maaaring hindi kasama ang cost-of-living allowances (COLA), profit-sharing payments, cash equivalents ng hindi nagamit na vacation at sick leave credits, overtime pay, premium pay, night shift differential pay, holiday pay, at lahat ng allowances at monetary benefits na hindi tinuturing, o hindi bahagi ng regular o basic salary ng empleyado.

 

Maaaring maghain ng reklamo ang manggagawa sa alinmang DOLE regional office kung hindi babayaran ng kanilang employer ang kanilang 13th month benefit

 

END/ADV/GMEArce
    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo