Sa Tulong ng JobStart, 229 Mag-aaral Magtatapos sa Davao

Date Posted: March 3rd, 2017 10:51 AM

May kabuuang 229 kabataang mag-aaral na handa nang mamasukan mula sa Davao at Tagum City ang nakatakdang magtapos ng ikalawang antas ng kanilang pagsasanay sa ilalim ng programang Job Start Philippines.

 

Base sa anunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region XI, 109 na mag-aaral na ang handang mamasukan mula sa Tagum City ang nagtapos noong Marso 1, habang 120 na iba pa mula sa Davao City ang magtatapos naman sa Abril.

 

Sa ilalim ng programa, ang mga magtatapos na Jobstart Trainee ay dumaan sa 10 araw na life skills training, tatlong buwan na technical training at karagdagang tatlong buwan na karanasan sa trabaho sa kanilang naaayong employer o establisimento. Nakatatanggap sila ng 75 porsiyentong minimum wage sa kanilang pinasukan sa panahon ng program internship.

 

Liban sa Tagum at Davao City, ang DOLE Region XI ay nais naman maisama sa programa ang iba pang bayan sa rehiyon ng Davao kabilang ang Panabo City, Digos City, at Sta. Cruz upang mabigyan ang mga kabataan ng mabilis at direktang pagkakataon para makapagtrabaho sa tulong ng programang JobStart.

 

Ang programang JobStart ay bahagi ng Technical Assistance Program on Employment Facilitation for Inclusive Growth (EFIG). Ito ang pagtutulungan sa pagitan ng DOLE, Asian Development Bank (ADB), at ng Government of Canada na siyang nagbibigay daan para sa mga kinakailangang reporma upang mapalakas ang proyekto ng pamahalaan kaugnay sa pagbibigay ng trabaho na siya ring elemento upang makasabay sa ekonomiya ng mundo.

 

END/Abegail De Vega with a report from KM Labrador/ Paul Ang
    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo