Biktima ng child labor sa Iloilo, nailigtas ng DOLE, CIDG, DSWD

Date Posted: February 28th, 2017 09:19 AM

Sama samang nailigtas ng Department of Labor and Employment Region (DOLE) 6, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang limang biktima ng child labor sa magkakahiwalay na operasyon sa Iloilo City.

 

Sa bayan ng Arevalo, dalawang menor de edad na nasa 16 at 17 taong gulang ang nailigtas mula sa pabrika ng noodles. Ang mga batang manggagawa ay mula sa munisipalidad ng Ilog, Negros Occidental.

 

Dinala sila sa Iloilo City noong Enero 17 ng kamag-anak ng isa sa mga manggagawa sa pabrika upang mamasukan sa nasabing factory at agad silang nagsimula ng trabaho sa mismong araw ng kanilang pagdating. Sinasabing sila ay pinasusuweldo ng mas mababa sa halagang P300 kada linggo, at pinarurusahan ng isang alyas ‘EC’ sa tuwing uuwi sila ng gabi sa kanilang day off.

 

Ang mga kabataang ito ay kaagad ring nakipag-ugnayan sa kanilang mga magulang na siya namang humingi ng tulong sa CIDG. Habang ang mga otoridad naman ang siyang nakipag-ugnayan sa DOLE at DSWD upang mailigtas ang mga menor de edad na bata.

 

Madalian ring nagtungo ang inter-agency team sa lugar kasama ng mga DOLE-Labor Laws Compliance Officer (LLCO) na siyang may otoridad at nakasasakop sa establisimento.

 

Napatunayan ng mga compliance officer na liban sa paglabag sa Republic Act 9231 o mas kilala bilang Act Providing for the Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for the Working Child, ang kumpanya ay lumabag rin sa general labor standards tulad ng pagpapasuweldo ng mas mababa sa mga manggagawa, hindi pagbabayad ng overtime pay, regular holiday pay, at 13th month pay.

 

Hindi rin nakapagpakita ng rehistro ang pabrika sa ilalim ng Rule 1020 ng OSHS at nabigo na magpatupad ng maayos na kalinisan sa pinapasukang trabaho, walang maayos na materials handling at storage, tamang bentilasyon at fire protection equipment, at iba pa.

 

Ayon sa ulat, napansin rin ng mga LLCO na marumi o unsanitary ang lugar kung saan ginagawa ang mga noodles (pansit at miki).

 

Nangako naman ang pamunuan ng pabrika na itatama ang kanilang mga kakulangan. Bago naman pauwiin ang mga nailigtas na batang manggagawa sa kanilang tahanan sa Ilog, Negros Occidental, sila ay nabigyan ng mga benepisyo tulad ng panggastos sa pamasahe at pagkain. Natunghayan naman ng mga LLCO, magulang ng mga bata, at ng barangay chairperson ang pagbibigay ng benepisyo sa mga kabataan.

 

Isinangguni naman ng DSWD ang mga bata sa Ilog Municipal Social Welfare and Development Office upang mabigyan sila ng counseling at reintegration habang ang Child Labor Focal Person ng DOLE ay inabisuhan na ang pamunuan ng pabrika kaugnay sa kanilang paglabag sa RA 9231 at pinaalalahanan sa pagtanggap ng mga manggagawa na sigurihin muna kung nasa wastong edad ang mga ito bago tanggapin sa trabaho.

 

Nag-ulat naman si DOLE OIC Regional Director Salome O. Siaton ng mga natuklasan ng mga LLCO sa opisina ng Mayor ng Iloilo City sa pamamagitan rin ng Iloilo City Health Office, at sa mga nagawang paglabag sa OSHS, partikular na ang marumi o unsanitary na mga lugar sa pabrika. Ang LGU ang siyang may otoridad na magpataw ng parusa sa mga establisimento sa oras na mapatunayan ang kanilang paglabag sa health standards partikular na sa aspeto ng paggawa ng pagkain.

 

Sa isa pang operasyon, tatlong batang manggagawa na namamasukan sa isang dressing plant sa Leganes, Iloilo ang nailigtas noong Enero 23 ng grupo ng DOLE, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at ng Philippine National Police ng Leganes, Iloilo.

 

Ang mga bata ay mula naman sa munisipalidad ng Carles at Estancia, Iloilo. Sila ay naibigay na rin sa pangangalaga ng kanilang mga magulang at sa MSWDO sa kanilang munisipalidad upang mabigyan ng counseling at reintegration.

 

Matapos ang mga nasabing insidente, ang Inter-Agency Task Force against Child Labor, Illegal Recruitment and Trafficking ay nagsagawa ng pagpupulong upang palakasin pa ang kanilang pagtutulungan at kampanya sa pagresponde sa mga kaparehong paglabag.

 

END/Amalia N. Judicpa/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo