DOLE umagapay sa mga gurong apektado ng K-12 sa Central Visayas

Date Posted: February 16th, 2017 03:17 PM

Mabilis na umagapay at nagpaabot ng tulong pinansyal ang Department of Labor and Employment sa anim na guro mula sa higher education institutions (HEI) sa Central Visayas na nawalan ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng K-12 program sa ilalim ng Adjustment Measures Program (DOLE-AMP).

 

Batay sa ulat ng Labor Tripartite Council in Education sa Rehiyon 7, ang mga guro ay makatatanggap ng kabuuang anim na buwang tulong pinansyal para umagapay sa kanilang pamumuhay mula sa pagiging full-time patungo sa kanilang self-employment.

 

Isa sa mga benepisyaryo ay si Cerina Ledesma, isang full time at hindi permanenteng guro sa kolehiyo sa Velez College; at si Osias Tumol, isang ring full time at permanenteng guro sa Holy Name University sa Bohol.

 

Si Ledesma ay makatatanggap ng P16,832.71 kada buwan hanggang ika-17 ng Abril 2017 habang si Osias naman ay mapagkakalooban ng P14,103.03 kada buwan hanggang Mayo 17, 2017.

 

Ayon kay Labor and Employment Regional Director Exequiel R. Sarcauga, ang DOLE-AMP ay makikibahagi sa learning session na ilulunsad sa darating na General Membership Meeting (GMM) ng LTCE sa Abril 2017.

 

Sinabi pa niya na ang learning session ay magiging paraan upang magpakalat ng impormasyon sa mga paaralan sa mga rehiyon kaugnay ng DOLE-AMP at sa mga tulong na maaaring ipaabot nito para sa mga kawani ng HEI na apektado ng K to 12.

 

Magpapaabot rin ng tulong pinansyal ang DOLE-7 sa apat na guro mula sa Rogationist Seminary College Cebu, Incorporated na matatagpuan sa St. John Street, Don Bosco Village, Pleasant Homes Subdivision, Cebu City.

 

“Ang mga benepisyaryo ay kinakailangan magkaroon ng napili at rekomendadong plan of action upang patuloy na makatanggap ng tulong pinansyal,” ayon pa kay Direktor Sarcuaga.

 

Ang mga napili namang benepisyaryo para sa tulong pinansyal ay kinakailangan ring magsumite ng katibayan ng isang Job Contract kada buwan at lumahok sa employment facilitation program na inaalok ng DOLE.

 

Para naman makakuha sila ng Skills Training ng TESDA, kinakailangan silang lumahok sa pagsasanay ng ahensya. Sa kaso naman ng Kabuhayan Program ng DOLE, dapat rin silang sumali sa mga programang inaalok ng DOLE.

 

Ang mga kawani ng HEI na apektado ng K-12 ay maaaring makakuha ng tulong pinansyal, employment facilitation o mga pagsasanay, at tulong pangkabuhayan.

 

Sa ilalim ng mga panuntunan ng DOLE-AMP, ang halaga ay nababatay sa median salary ng apektadong kawani base sa uri ng kanyang trabaho sa rehiyon, o ang naapektuhang suweldo, kung ano ang mas mababa.

 

“Nais naming linawin na ang tulong pinansyal ay para lamang sa mga apektadong kawani ng HEI upang may magamit silang pangtustos para naman sa susunod nilang papasukang trabaho. Ang kaloob na ito ay ibinibigay sa pamamagitan ng mga automated teller machine money transfer,” paliwanag ni Sarcauga.

 

Nagpaalala naman ang opisyal ng DOLE-7 sa mga benepisyaryo na sa oras na mabigo silang makasunod sa anumang kondisyon o kinakailangang requirement, ang pagpapalabas ng kanilang tulong pinansyal ay maaaring pansamantalang masuspinde. Makatatanggap sila ng written warning na nagpapataw sa kanila na gumawa ng written explanation para sa nagawang kakulangan.

 

END/LSenarlo-Taniza / Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo