Tulong sa pamilya ng OFW na nasawi sa sunog sa Oman, agad binigay ng DOLE

Date Posted: February 13th, 2017 05:31 PM

Agad na binigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tulong at benepisyo sa pamilya ng overseas Filipino worker na nasawi sa nangyaring sunog sa Oman.

 

Inatasan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang agarang pagbibigay ng tulong sa namatay na OFW nang masunog ang bahay na kanilang tinitirhan noong nakaraang linggo.

 

“Matapos ipagbigay-alam sa akin ang pangyayari, agad kong inatasan si Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na agad tugunan ang pangangailangan ng pamilyang naiwanan ng mga nasawing OFW,” ani Bello.

 

Sa ulat, sinabi ni Cacdac na nasawi sina Susan Padojinog at Emilia Bobo nang masunog ang kanilang tinitirhan sa Oman noong nakaraang Pebrero 4. Parehong nagtatrabaho bilang hairstylist sa Golden Coast Trading ang dalawang nasawi. Nagdiwang ng kanyang ika-41 kaarawan si OFW Bobo, dalawang araw bago naganap ang sunog.

 

Tinatayang may 22 manggagawa ang nakatira sa accommodation area nang ito ay masunog. Labing-lima sa mga naninirahan dito ay mga Filipino.

 

Agad na ipinagbigay-alam ng Philippine Overseas Labor Officials (POLO) sa Oman sa pamilya ng mga nasawi sa sunog. Ang mga biktima ay mula sa South Cotabato at Quezon.

 

Binisita ng mga opisyal ng Labor sa Oman ang mga OFW na nagtamo ng pinsala. Labing-isa sa mga biktima ang nasa Oman Royal Hospital, samantalang dinala naman ang isa sa Oman Khoula Hospital upang malunasan dahil sa nalanghap na usok. Iniulat ng OWWA na nasa maayos na kalagayan at nagpapagaling na ang mga nakaligtas sa sunog at tinutugunan na ang kanilang gastusin sa ospital.

 

Hinihintay na lamang ng OWWA ang abiso sa pagpapauwi ng labi ng mga nasawi at ang kahilingan ng mga nakaligtas kung nanaisin nilang umuwi ng Pilipinas.

 

Makakatanggap ang pamilya ng biktima ng benepisyo tulad ng tulong-pinansiyal kung nasawi dahil sa aksidente na P200,000; P20,000 tulong para sa pagpapalibing, psycho-social counselling, scholarship at tulong-pangkabuhayan mula sa programang Education and Livelihood Assistance Program o ELAP, gaya ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P15,000.00 kung nanaisin ng pamilya na magtayo ng negosyo; at tulong-edukasyon sa isa sa mga benepisaryo ng OFW mula elementary, high school o college, o hanggang makatapos ito ng kolehiyo.

 

END/Paul Ang/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo