Nagpaalala muli si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga employers sa pribadong sektor na mahigpit na sumunod sa tamang pay rules para sa Pebrero 25, o ang paggunita ng ika-32 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Alinsunod sa Proclamation No. 269 na inilabas ni President Rodrigo Duterte, nag-isyu ang Department of Labor and Employment ng Labor Advisory No. 03 (Series of 2018) na nagtatakda ng tamang pasahod para sa nasabing special non-working holiday.

Itinatakda ng DOLE ang mga sumusunod na panuntunan sa pasahod para sa Pebrero 25, 2018:

Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na ‘no work, no pay’ ang dapat gamitin maliban lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa special holidays.

Ang patakaran para sa mga nasabing holidays para sa ginampanang trabaho, dapat bayaran ang empleado ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras o [(Arawang Sahod x 130%) + COLA].

Habang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)].

Para sa trabahong ginampanan para sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras, o [(Arawang sahod x 150%) + COLA].

Samantalang para sa trabaho na mahigit sa walong oras (overtime) na siya ring araw ng pahinga ng empleado, siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita, o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)].

Magugunitang naglabas rin ng kaparehong panuntunan ang Kagawaran ng Paggawa para sa Pebrero 16, o Chinese New Year.

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry