Upang palakasin at magbahagi ng kamalayan ukol sa kahalagahan ng Occupational Safety and Health, ipinagdiwang ng Department of Labor and Employment, kasama ang International Labor Organization (ILO) ang World Day for Safety and Health at Work noong Abril 28 sa Liwasang Bonifacio, Maynila.

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, ang pagdiriwang ay naglalayong makalikom ng suporta at pakikiisa mula sa mga manggagawa, employer, ibang grupong propesyunal, at sa publiko upang maiangat ang kalidad ng buhay sa pagawaan.

 

“Ang pagdiriwang na ito ay kaisa sa kampanya ng ILO sa kaligtasan at kalusugan sa pagawaan na siyang nakatuon sa paglinang ng impormasyon kaugnay sa occupational safety and health, at upang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataang manggagawa at ipalaganap sa bansa ang kultura ng pag-iwas sa aksidente,” paliwanag ni Bello.

 

Sinabi pa niya na liban sa paglikom ng mga kinakailangang impormasyon sa OSH, ang pagdiriwang ay may layon na maiangat ang kamalayan ng mga kabataang manggagawa kaugnay sa occupational safety and health (OSH) practices dahil sila ang pinakanalalantad sa mga aksidente at sakit sa trabaho.

 

Batay sa pag-aaral ng ILO, tinatayang nasa 6,300 katao ang namamatay araw-araw dahil sa aksidente sa kanilang pinapasukan o work-related diseases o higit kumulang sa 2.3 milyong pagkamatay kada taon.

 

Idinagdag pa ng ILO na malaking bilang ng manggagawa sa Pilipinas ay tinatawag na “relatively young”, kung saan 26 porsiyento ng total labor force ay kinabibilangan ng mga nasa edad 25 hanggang 34 habang ang 17.5 porsiyento naman ay nasa 15 hanggang 24 taong gulang.

 

Ayon pa sa ILO, karamihan rin ng mga kabataang manggagawa ay nasa mapanganib na sector, partikular sa agrikultura, manufacturing, at konstruksyon.

 

“Sa pamamagitan ng ILO Convention, partikular na ang pagpapatupad ng [email protected] Project, patuloy na titiyakin ng DOLE na ang mga manggagawa, higit sa lahat ang mga kabataan ay batid ang kanilang karapatan sa trabaho maging ang kanilang karapatan sa ligtas at malusog na pinapasukan,” dagdag pa ni Bello.

 

Nagsimula sa isang Flash Mob o sayaw ng mga kabataan at maiksing programa ang pagdiriwang na sinundan naman ng diskusyon ng mga grupo kaugnay sa kahalagahan ng mga OSH practices.

 

Bago ito, nagsagawa na rin ang DOLE at ILO ng serye ng toolbox talks sa iba’t ibang construction sites sa National Capital Region, na nakatuon sa mahigpit na pagpapatupad ng pagsunod sa OSH standards at pagpapalakas sa mga gawain upang maiwasan ang mga aksidente at sakit sa nasabing industriya partikular sa mga kabataang manggagawa.

 

Ang World Day for Safety and Health at Work ay taunang kampanya na nagpapalaganap ng ligtas, malusog, at disenteng trabaho sa lugar na pinapasukan.

 

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry