Tinanggal kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo (DOLE) ang Work Stoppage Order (WSO) sa 48 establisyamentong  gumagawa at nagtitinda ng paputok at pyrotechnics sa Bulacan matapos masuri na sumusunod ang mga ito sa batas-paggawa at pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho.

“Ang 48 establisyamento ay sumusunod sa batas-paggawa at pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho,” pahayag ni Bello sa pagdiriwang ng ika- 83 anibersaryo ng Kagawaran sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.

Binigyang-diin ni Bello na may pangangailangan na magpatupad ng mga reporma sa industriya ng paputok at pyrotechnics, partikular sa paggawa at pagtitinda nito.  “Kinakailangan na tiyakin na ang mga manggagawa ay nabibigyan ng sapat na proteksiyon sa ilalim ng batas-paggawa at pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho,” ani Bello.

Ang mga nasabing establisyamento ay bahagi ng 88 establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng paputok at pyrotechnics sa Bulacan na sumailalim sa inspeksiyon ng DOLE Regional Office No. 3.

Sa 88 establisyamento, 24 ang gumagawa ng paputok at ang 64 naman ay nagtitinda ng  paputok at pyrotechnics.

Sinabi ni Bello na may 40 establisyamento pa ang hindi inaalisan ng WSO at patuloy pa silang sumasailalim sa pagsusuri mula sa Regional Office.

“Kapag nasuri na sumusunod ang establisyamento sa mga patakaran, maaaring irekomenda ng Regional Office na tanggalin ang work stoppage order,” ani Bello, at kanyang idinagdag na binibigyan ng tulong ang mga apektadong manggagawa na hindi pa naalisan ng WSO.

Ang 48 establisyamentong tinanggalan ng work stoppage order ay ang: 878 Fireworks Store; 888 Prosperity Fireworks; A. Mercado Fireworks; A.T. Sayao Fireworks; Alex Fireworks; Analyn Mendoza Fireworks; Arjay’s Fireworks; ASJ Fireworks; ASP Fireworks; CPM Fireworks Store; D’Extacy Fireworks; D.C. De Guzman Fireworks; Diamond Firework; Dong Ding’s Fireworks; Dragon Fireworks; Elsie Fireworks; Elvie Navarro Fireworks; E.M. Fantasy Fireworks; EMHS Fireworks; Global Fireworks-Branch 1; Global Fireworks; Golden J’s Fireworks; Hailey Fireworks; JC Castillo Fireworks (Branch); JC Castillo Fireworks; Josefina Totie Fireworks; Liam Fireworks; Lightning Fireworks; Loufran’s Fireworks; Lucy Fireworks; Majik A.M Fireworks; Minia’s Fireworks; MS Farinas Fireworks; MVD Fireworks; Ni-Anne Fireworks; Night Lights Fireworks; Pyro Haven Enterprises; R&F Fireworks; R.T. Sayo Enterprises; RNN Fireworks; Rosalie Navarro Fireworks; Rose & Leyd Fireworks; SEG Fireworks; Sky Joy Fireworks; SRC Fireworks; Three D’s Fireworks; Top JR Fireworks; at Viva El Toro Fireworks.

Ang pagpapatupad ng Work Stoppage Order ay pinagsamang rekomendasyon mula sa DOLE, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at ng pamahalaang lokal.

Ang mga kinakailangan dokumento upang irekomenda ang pag-aalis ng work stoppage order ay Sertipikasyon mula sa Philippine National Police na ang establisyamento ay sumusunod sa itinatakda ng Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices; may balidong fire safety certification mula sa Bureau of Fire; sumailalim ang lahat ng manggagawa sa isang araw na safety awareness training; at pagsasagawa ng DOLE Joint Assessment.

Ipinaliwanag ni Bello na ang work stoppage order ay nag-aatas lamang ng pagtigil ng trabaho ng isang yunit, departmento ong  buong operasyon ng establisyamento kung ito ay makikitaan ng hindi pagsunod sa pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho na magdudulot ng panganib sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa.

Noong 24 Nobyembre 2016, ipinalabas ni Kalihim Bello ang Work Stoppage Order sa buong bansa para sa lahat ng establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics at paputok matapos ang nangyaring pagsabog sa isang tindahan ng paputok sa Bulacan na naging sanhi ng pagkasawi ng limang katao at nakapinsala sa 30 iba pa.

Noong 12 Oktubre, dalawang katao ang nasawi at 24 ang nasugatan matapos ang nangyaring pagsabog sa ilang tindahan ng paputok sa Barangay 1st, Bocaue, Bulacan.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry