Tinanggal kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ang Work Stoppage Order (WSO) ng 18 pang establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics at paputok sa Bulacan matapos na masuring sumusunod sila sa batas paggawa at pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho.

 

“Nakita na ang 18 pang establisyamento ay sumusunod sa batas-paggawa at pamantayan sa kalusugan at kaligtasan ng manggagawa at iba pang naayong batas, kautusan at regulasyon matapos silang sumailalim sa pagsusuri ng DOLE Regional Office No. 3. Sa kabuuan, may 66 establisyamento na ang tumutupad sa mga itinakdang batas,” ani Bello

 

Sinabi ni Bello na nagsagawa ang DOLE Regional Office No.3 ng pagsusuri sa 18 establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics at paputok upang tiyakin na tumutupad ang mga ito sa batas-paggawa, pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho, at iba pang naaayong batas, kautusan, at regulasyon.

 

Nitong nakaraang linggo, tinanggal ni Bello ang WSO sa 48 establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics at paputok. Ang mga nasabing establisyamento ay kabilang sa 88 establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics at paputok sa Bulacan na ininspeksiyon ng DOLE Regional Office No. 3.

 

Sinabi ni Bello na mayroon pang 22 establisyamento ang hindi pa tinatanggal ang WSO at patuloy pa ring sumasailalim sa pagsusuri ng Regional Office.

 

Ang pagpapatupad ng Work Stoppage Order ay pinagsamang rekomendasyon mula sa DOLE, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at ng lokal na pamahalaan.

 

Ang 18 establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics at paputok na tinanggalan ng work stoppage order ay ang: Big-J Fireworks and Pyrotechnics; BJ D’ Fire Crackers Trading; EB Eat Bulaga Fireworks; Evelyn Fireworks/Evelyn Pyrotechnics; JBC Fireworks; Jelaizah Fireworks; Rich and Felis Fireworks; Unistar Fireworks; Racine Beatrice Fireworks; AFC Fireworks; Eunice Rose Fireworks; Gramce and Grace Fireworks; Jaguar Fireworks; Jesusa P. Cabatuando Fireworks and General Merchandise; JSS Fireworks; Justimax Merchandize; Musang Fireworks; at Nenel Fireworks.

 

Ang mga kinakailangang dokumento upang irekomenda na alisin ang work stoppage order ay ang Sertipikasyon mula sa Philippine National Police na ang establisyamento ay sumusunod sa itinakda ng Republic Act 7183 o An Act Regulating The Sale, Manufacture, Distribution And Use Of Firecrackers And Other Pyrotechnic Devices; may balidong fire safety certification mula sa Bureau of Fire; sumailalim ang lahat ng manggagawa sa isang araw na safety awareness training; at sumailalim sa DOLE Joint Assessment ang nasabing establisyamento.

 

Ipinaliwanag ni Bello na ang work stoppage order ay nag-aatas lamang ng pagtigil ng trabaho ng isang yunit, departmento o ng buong operasyon ng establisyamento kung ito ay makikitaan ng hindi pagsunod sa pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho na magdudulot ng panganib sa kaligtasan at kalusugan ng manggagawa.

Noong 24 Nobyembre 2016, nagpalabas ng Work Stoppage Order sa buong bansa si Kalihim Bello sa lahat ng establisyamentong gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics at paputok, matapos ang nangyaring pagsabog sa isang tindahan ng paputok sa Bulacan na naging sanhi ng pagkasawi ng limang katao at nakapinsala sa 30 iba pa.

 

END/CTM/GMEAre

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry