P548.3-M ibinalik ng DOLE sa National Treasury

Date Posted: May 16th, 2018 03:50 PM

Ibinalik ng Department of Labor and Employment ang sobrang verification fee at interest na kinolekta ng 29 Philippine Overseas Labor Office (POLO) na may kabuuang halaga na P548.3 milyon sa Bureau of Treasury (BTr).

 

Ito ang ulat ni Director Warren Miclat ng DOLE-Financial Management Service kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, kung saan kanyang iniulat na ang ini-remit sa BTr nitong 2018 ay mas mataas ng P110.044 milyon mula sa P438.256 milyon na ini-remit noong 2017.

 

Ang mga nasabing remittance ay nakakatulong sa pamahalaan upang punan ang kinakailangang pondo para sa implementasyon ng mga pangunahing proyekto.

 

Pinapangasiwaan ng POLO ang pangongolekta ng verification fee bilang service fee para sa beripikasyon ng overseas employment contract na ipinapakita ng mga prospective employer, principal o employment agency ng host country at/o ng kanilang authorized representative bago ito matatakan ng awtorisadong opisyal ng Department of Foreign Affairs ng embahada.

 

Ang sobrang verification fee na nakolekta, batay sa itinakda ng DOLE/DFA/DBM/DOF/COA Joint Circular No.3-99, ay ang natirang koleksiyon ng verification fee na kinolekta ng POLO na dapat ibalik sa BTr matapos tanggalin ang mga nararapat na ibawas mula sa Verification Fee Fund at iba pang obligasyon na hindi hihigit sa Advice of Disbursement Limits (ADL) na itinakda ng DOLE Central Office sa nasabing taon, kasama ang allowable buffer fund katumbas ng first quarter requirement ng POLO para sa susunod na taon.

 

Ang Advice of Disbursement Limits naman ay isang dokumento na iniisyu ng DOLE-Central Office sa Office of the Labor Attaché kung saan itinatakda ang kabuuang halaga na maaari nitong gamitin bilang pambayad.

 

END/aldm with reports from Sheena May Hernandez/gmea

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo