Bello nagbabala laban sa iligal na layoff ng manggagawa

Date Posted: April 11th, 2018 10:26 AM

Nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga pribadong establisimento sa Boracay laban sa iligal na pagtanggal o layoff sa kanilang mga empleyado sa loob ng anim na buwang pagpapasara sa nasabing resort island sa darating na Abril 26.

 

Sa abisong inilabas noong Biyernes, sinabi ni Bello na ang “pansamantalang pagsuspinde sa operasyon ng mga negosyo ay hindi dapat magresulta sa pagkakatanggal sa trabaho ng kanilang mga manggagawa.”

 

Kasabay ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang suspindihin ang mga negosyo sa Boracay, sinabi ni Bello na maaari lamang magpatupad ang mga employer ng “No Work, No Pay” na polisiya, o ipagamit sa mga empleyado ang forced leave upang magamit ang mga leave credits ng kanilang mga manggagawa kung mayroon man.

 

“Dapat na pabalikin sa kanilang mga trabaho ang mga empleyado sa oras na alisin na ang pansamantalang pagpapasara sa isla ng Boracay,” dagdag pa ni Bello.

 

Ang nasabing labor advisory ay “mahigpit na ipinatutupad at nararapat na sundin.”

 

Una nang sinabi ni Bello na magpapaabot ng tulong ang labor department sa mga apektadong manggagawa ng isla kabilang na ang pagbibigay ng emergency employment sa kanila. Mayroon rin aniyang 5,000 informal sector na manggagawa at miyembro ng indigenous community sa isla ang magtatrabaho para sa paglilinis ng isla.

 

Naglaan na ang Kagawaran ng inisyal na P60 milyong piso para sa nasabing emergency employment assistance.

 

#Rolly Francia/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo