Profiling sa mga child laborer, ikakasa ng DOLE

Date Posted: April 11th, 2018 10:25 AM

Naglabas na ng panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa profiling ng mga child laborer upang mas epektibong mailayo sila sa iligal na child labor at mga kaparehong uri nito.

 

Ang child labor ay tumutukoy sa anumang trabaho o aktibidad na ginagawa ng isang bata na mababa sa 18 taong gulang kung saan nalalantad sila sa mga uri ng pang-aabuso na lubhang mapanganib sa kanilang kalusugan, pati na rin sa kanilang pisikal at sikolohikal na kagalingan.

 

“Kasabay ng kakulangan sa datos ng mga child laborer, nararapat lamang na magsagawa ng profiling sa mga target na child laborer at kanilang pamilya sa buong bansa upang magkaroon ng basehan para sa probisyon ng mga naaayong serbisyo at tulong upang maiiwas ang mga kabataan sa child labor,” ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III sa inilabas niyang kautusan noong nakaraang linggo.

 

Sa isang survey noong 2011 na isinagawa ng Philippine Statistics Authority, mayroong tinatayang 2.1 milyong kabataan na may edad 5 hanggang 17 taong gulang ang dumanas ng child labor at 97.7% sa kanila ang nasa mapanganib na child labor. Gayunman, hindi nasasaad sa datos ang mga pangalan at lokasyon ng mga child laborers.

 

Sa nasabing kautusan, inatasan ni Bello ang mga DOLE Regional/Field Offices upang makuha ang mga datos mula sa mga katuwang na organisasyon upang makatulong sa profiling ng mga target na child laborer at mabatid ang pangangailangan at mai-refer sila sa tamang ahensiya na magbibigay sa kanila ng serbisyo at tulong na kinakailangan ng mga kabataan at ng kanilang pamilya.

 

Ang profiling sa mga target child laborer ay magmumula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction ng Department of Social Welfare and Development at sa pamamagitan ng Community Based Monitoring System na ipinatutupad ng iba’t ibang lokal na government unit.

 

Ang DOLE bilang pangunahing magpapatupad ng programa ng Pilipinas laban sa Child Labor at tumatayo bilang chair ng National Child Labor Committee, ay magiging responsable sa monitoring at pag-uulat kung ang isang bata ay naialis na sa mga aktibidad ng child labor.

 

Ang mga inisyatibong ito ay nakahanay sa Philippine Development Plan 2017-2022, kung saan target na mapababa ang mga kaso ng child labor nang hanggang sa 30 porsiyento o 630,000 mula sa tinatayang 2.1 milyong child laborer sa buong bansa.

 

END/AbegailDeVega/Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo