OFW sa Saudi, Qatar hinikayat na umuwi

Date Posted: March 4th, 2018 12:04 PM

Hihikayatin ng pamahalaan na umuwi na ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kingdom of Saudi Arabia at Qatar para sa pagkakataong magkaroon ng trabahong lokal o sa ibang bansa.

 

Ito ang nilalayong gawin ng labor department sa pagbubuo ng Job Fair Task Force na magsasagawa ng special job fair at skills profiling ng mga OFW na naka-base sa KSA at Qatar.

 

Sa administrative order na inisyu ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III, magkatuwang na magsasagawa ng demand profiling at skills-job matching ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang Bureau of Local Employment (BLE).

 

Magsasagawa naman ng preliminary skills profiling ng mga OFWs sa mga nabanggit na bansa ang Philippine Overseas Labor Offices (POLO) katuwang ang International Labor Affairs Bureau (ILAB).

 

Sa pinagsamang gawain, pamumunuan ng POEA at BLE ang pagpupulong ng mga employer para makapangalap ng bilang ng mga bakanteng trabaho, kinakailangang kasanayan, lokasyon (lokal o sa ibang bansa), gayundin ang mga kompanyang interesadong makibahagi sa Job Fair.

 

Ipoproseso din ng POEA at BLE ang supply and demand profile at paglalabas ng labor market information na magiging gabay sa pagtutugma ng kinakailangang kasanayan at ang pangangailangang ng employer sa manggagawa.

 

Isasangguni naman sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga OFW na nangangailangan ng karagdagang kasanayan na kakailanganin ng mga sumaling employer bago sila i-deploy lokal man o sa ibang bansa.

 

Samantala, magbibigay naman ng welfare assistance ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa gaganaping job fair, kasama na rin ang pagpapauwi sa mga distressed OFW.

 

Pamumunuan ni DOLE Undersecretary Claro Arellano ang nasabing grupo na siyang namamahala sa Legal and International Affairs ng DOLE, at ng OWWA bilang co-chair. Kasama rin bilang miyembro ang POEA, BLE, ILAB, at ang Philippine Overseas Labor Office sa KSA at Qatar.

 

END/Abegail De Vega/gmea

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo