Pagawaan ng paputok sa Bulacan, pumasa sa safety standards – DOLE

Date Posted: January 5th, 2018 09:41 AM

Pumasa sa occupational safety and health standards ang mga pagawaan at tindahan ng paputok sa isinagawang inspeksiyon ng mga compliance officers, pag-uulat ng labor department.

 

Sa ulat ng regional office sa Central Luzon, sinabi ng DOLE na sa 67 establisyamento na ininspeksiyon sa Bocaue, 61 ang sumusunod sa itinakdang patakaran para sa ligtas na pagawaan.

 

Isinagawa ang inspeksiyon alinsunod sa atas ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III sa mga regional office na i-monitor ang pagsunod sa patakaran sa ligtas at malusog na pagawaan ng mga pyrotechnics at paputok sa buong bansa para sa selebrasyon ng Bagong Taon.

 

Sa Labor Advisory No. 17, inatasan din ni Bello ang mga LLCO na tulungan ang mga establisyamento sa pagtatama o pagkukulang sa mga itinakdang patakaran sa ligtas at malusog na lugar-pagawaan.

 

Kung sakali na tumanggi ang mga ito na sumunod sa patakaran, binibigyan ng awtorisasyon ang compliance officer na magsagawa ng imbestigasyon sa mga paglabag ayon sa Department Order No. 183 o ang Revised Rules on the Administration and Enforcement of Labor Laws.

 

Ilan sa mga establisyamentong hindi sumusunod sa patakaran ang pinayagang itama ang kanilang pagkukulang tulad ng pagkakaroon ng mahigit sa dalawang taga-tinda at ang paggamit sa tindahan bilang silid-tulugan.

 

May 152 establisyamento ng pyrotechnics sa Bocaue at Sta. Maria, Bulacan pa lamang.
Hinihintay pa ng DOLE Manila ang pagsusumite ng report mula sa iba pang rehiyon.

 

Ang Bureau of Working Conditions (BWC) ang naatasan na pagsamahin ang listahan ng mga minonitor at tinulungang establisyamento ng pyrotechnics sa buong bansa.

 

END/aldm/gmearce

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo