Hinaing ng 127k na manggagawa, naresolba ng Hotline 1349

Date Posted: January 3rd, 2018 04:28 PM

Sa tulong ng 24/7 na hotline service ng Department of Labor and Employment (DOLE), nagawa nitong maresolba ang mga hinaing kaugnay sa trabaho at iba pang isyu ng higit kumulang sa 127,000 manggagawa.

 

Karamihan sa mga isyu na naitala ng mga assistance officer ay mula sa 91,466 na manggagawa sa unang 15 buwan mula nang binuksan ang hotline.

 

Pinasinayaan ang Hotline 1349 upang mapaigting ng DOLE ang pagbibigay nito ng serbisyo sa publiko at mapalakas ang pagpapatupad ng labor laws at standards.

 

Ilan sa nangungunang hinaing na idinudulog sa hotline mula noong Disyembre ay may kaugnayan sa general labor standards na may 96,766 na katanungan, partikular sa aspeto ng pagbibigay at komputasyon ng holiday, 13th month, separation, at termination pays.

 

Kasunod nito ang mga 14,052 katanungan sa labor relations, partikular sa adjudication, grievance settlement, at proseso ng arbitration.

 

Sa kabilang dako, ang mga katanungan naman sa employment facilitation para sa lokal at trabaho sa ibang bansa; paglilinaw sa pagkuha ng mga permit, panuntunan para sa Special Program for Employment of Students (SPES), at iba pang kaugnay na isyu ay nakapagtala ng kabuuang 7,358.

 

Ang mga katanungan naman para sa mga social contribution, exit clearance para sa mga OFWs, at aplikasyon para sa iba’t ibang reintegration program ay nagtala ng 4,433.

 

Binuksan ang Hotline 1349 noong Setyembre 7, 2016 bilang tugon ng DOLE sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng ahensya ng gobyerno na maglunsad ng 24/7 hotline system upang mas ilapit ang mga serbisyo at programa nito sa publiko.

 

Sa ngayon, higit sa 40 hotline officers ang handang tumugon sa tawag ng publiko sa tulong ng Cosmocall Managed Contact Center System ng PLDT. Tumatakbo ang operasyon ng hotline sa tatlong shift kada araw - 6:00 A.M. hanggang 2:00 PM; 2:00 P.M. hanggang 10:00 P.M., at 10:00 PM hanggang 6:00 A.M.

 

Upang makausap ang mga hotline assistance officer ng DOLE, tumawag lamang sa 1349.

 

END/Tim Laderas/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo