Mas pinalakas na tulungan para sa disenteng trabaho, panawagan ng DOLE

Date Posted: October 24th, 2017 10:29 AM

Nanawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na paigtingin pa ang pagtutulungan para mapalakas ang ugnayan ng mga industriya para sa disenteng trabaho tungo sa kaunlaran.

 

Sa ginanap na ika-8 ASEAN Regional Tripartite Social Dialogue Conference sa Century Park Hotel sa Maynila, sinabi ni Undersecretary Dominador Say na dapat tugunan ng ASEAN ang pagpapalakas ng ugnayan dahil isa ito sa nagpapatuloy na proseso kasunod na rin ng mga pagbabago sa trabaho at paggawa.

 

“Hindi maitatanggi na ang susi upang makamit ang tuloy tuloy na paglago ng ekonomiya ay nakabatay sa disenteng trabaho, maayos na industriya, at pagtutulungan ng pamahalaan at mga katuwang nitong bansa. Paigtingin natin ang pagtutulungan maging ng ating patuloy na dayalogo sa nagkakaisang ASEAN,” wika ni Say.

 

Ang dalawang araw na pulong ay dinaluhan ng 200 delegado mula sa iba’t-ibang miyembro ng ASEAN maging ng mga kinatawan mula sa mga manggagawa at organisasyon ng mga employer sa bansa.

 

“Sa susunod na 50 taon, tiyak na magkakaroon ng malaking hamon sa ASEAN, partikular rito ang sektor ng paggawa at trabaho. Gayunman, ang mga hamon na ito ang maglalapit ng oportunidad sa mga kasapi ng ASEAN. Umaasa ako na ang mga oportunidad na ito ay magreresulta sa paglago ng ekonomiya at magpapababa, o hindi kaya ay tuluyang bubura sa kahirapan kung saan walang sinuman ang maiiwan sa pag-unlad,” dagdag pa ni Say.

 

Ang pinalakas na dayalogo ng mga bansa at kaanib na organisasyon ay nakatutulong upang tugunan ang mga isyu ukol sa partisipasyon ng mga kababaihang manggagawa, ang paglobo ng bilang ng mga migranteng manggagawa, at ang mga pagbabagong nagaganap sa paggawa, pati na rin ang kondisyon sa trabaho bunsod na rin ng mabilis na mga pagbabago ng labor market ng ASEAN.

 
END/Abegail De Vega/ Paul Ang

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo