Banko para sa overseas Filipino, mas mababa ang rate

Date Posted: October 20th, 2017 03:03 PM

Mas pagagaanin ng Overseas Filipino Bank (OFB) ang pinansiyal na pasanin ng overseas Filipino dahil sa mas mababa ang remittance service rate at mas malaki ang kanilang kikitain sa kanilang pamumuhunan, ani kahapon ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III.

 

“Mabibigyan ng banko ang mga overseas Filipino ng mas maayos at pinakamura o libreng paglilipat ng kanilang remittance. Nakuha rin namin ang pagsang-ayon ni Alex Buenaventura, presidente ng Land Bank, na gawing 2.5 percent kada taon ang interest rate para sa loan package. Malaking bagay ito kumpara sa ibang banko. Ito ay makapagbibigay ng pagkakataon sa ating OFW para mamuhunan,” ani Bello.

 

Nilalayon ng banko na makapagbigay ng financial products at services na naaayon sa pangangailangan ng lahat ng overseas Filipinos, at ito ay nakatuon  sa pagbibigay ng de-kalidad at maayos na foreign remittance service batay sa Executive Order (EO) No. 44 na nilagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte nitong linggo.

 

Sa pamamagitan ng EO, kukunin ng Land Bank of the Philippines ang Philippine Postal Savings Bank (PPSB) at gagawin itong Overseas Filipino Bank. Bibigyang prayoridad ng banko ang pinansiyal na pangangailangan ng mga overseas Filipino, na makakatulong sa bansa sa foreign exchange income, currency stability, empleo, at kabuuang pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittance. 

 

Ang banko ay pangangasiwaan ng board of directors na pamumunuan ng LBP President bilang chairman, LBP-designated President bilang vice chairperson, apat na LBP-designated director o officer bilang miyembro, at miyembro na kakatawan sa DOLE, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at miyembro mula sa pribadong sektor na kakatawan sa overseas Filipinos. 

Hinikayat ni Bello ang mga OFW na mamuhunan sa banko at samantalahin ang serbisyong iniaalok ng banko dahil sila ang nagmamay-ari nito.

 

“Makakabuti para sa kanila ang mamuhunan sa banko sa dahilan na sila ang talagang nagmamay-ari nito. Bilang secretary ng labor at sa ilalim ng executive order, maaari akong magmungkahi ng mga kinatawan, isa para sa DOLE, isa pa para sa OWWA, at isa pa para sa overseas-based Filipino. Dadagdagan natin ang kinatawan ng OFW sa pamamagitan ng pagbili ng karagdagang share na magbibigay ng karapatan sa kanila para sa dalawa o tatlong board seat,” dagdag niya.

 

Sinabi din ng labor secretary na magtatayo ng sangay ng OFB sa lahat ng Philippine Overseas Labor Offices para mas maraming overseas Filipino ang mabigyan ng foreign remittance service.

 

END/Abegail De Vega/GMEArce

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo