Regulasyon sa pagsusuot ng high heels sa trabaho, itinakda

Date Posted: September 13th, 2017 10:00 AM

Hindi na pinapayagan ng Department of Labor and Employment ang sapilitang pagsusuot sa mga kababaihan ng high heels o mataas na takong sa trabaho.

 

"Ang mga kababaihan, tulad ng saleslady at lady guard, ay hindi dapat piliting magsuot ng high-heels sa trabaho, o hindi payagang magkaroon ng maiksing oras ng pahinga mula sa pagkakatayo upang makaiwas sa panganib sa kalusugan,” ayon sa Department Order No. 178 o ang “Safety and Health Measures for Workers who by the Nature of their Work have to Stand at Work.”

 

Ang kautusan na ipinalabas ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III noong nakaraang buwan, ay sumasakop sa lahat ng employer o establisyamento sa pribadong sektor na nag-aatas sa kanilang manggagawa na magsuot ng high-heel o mataas na takong ng sapatos, tumayo habang nagtatrabaho sa loob nang mahabang oras, at mga trabaho na nangangailangan ng madalas na paglalakad.

 

Nakasaad sa kautusan na kailangang magpatupad ang mga establisyamento ng praktikal at komportableng pagsusuot ng sapatos na hindi masakit sa paa o sa mga daliri sa paa; lapat sa paa at hindi nakakadulas; nagbibigay ng sapat na suporta sa paa; pantay o may mababang takong na hindi tataas sa isang pulgada at dapat ay may malapad na takong o wedge type.

 

Kinakailangan ding magbigay ang employer ng oras ng pahinga o bawasan ang oras ng pagtayo o paglalakad, at paglalagay ng employer ng mauupuan kung saan maaari nilang gampanan ang kanilang gawain na hindi makakasagabal o makakaapekto sa kanilang pagtatrabaho.

 

“Inaatasan namin ang mga establisyamento na magbigay ng maikling oras ng pahinga para sa mga saleslady. Kailangan na may oras sila upang iunat o ipahinga ang kanilang mga paa upang mabawasan ang kanilang pagod. Dapat din silang bigyan ng komportableng mauupuan,” ani Bello.

 

Ipinahayag ni Bureau of Working Conditions (BWC) Director Teresita Cucueco na may epekto sa kalusugan ang mahabang oras na pagtayo, partikular kung mataas ang takong na ginagamit sa trabaho.

 

“Kung sobra ang bigat na dinaranas ng muscle dahil sa mahabang oras ng pagtayo, magkakaroon ito ng epekto sa ating likod gayundin din sa ating mga binti. Makakaramdam tayo ng sakit dahil sa pagod. Ang maapektuhan ay ang joints at ang musculoskeletal system. Magiging sanhi ito ng problema sa gulugod, sa binti, at sa katagalan, kung hindi ito agad maitatama, maaaring magkaroon ng arthritis at iba pang musculoskeletal disorders,” aniya.

 

Nakasaad din sa bagong kautusan ang paglalagay ng angkop na sahig (kahoy o rubber floorings) upang mabawasan ang epekto ng madalas na paglalakad o matagal na pagtayo.

 

Naatasan ang DOLE Regional Office na mag-inspeksiyon at i-monitor ang wasto at mahigpit na pagpapatupad ng nasabing kautusan na magkakaroon ng bisa 15 araw matapos itong mailathala sa pahayagan.

 

Nakasaad sa Article 168 ng Labor Code at Rules 1000 and 1960 ng Occupational Safety and Health (OSH) Standards na inaatasan ang labor department na magbuo ng mga polisiya at magpatupad ng mga programa upang tiyakin na ligtas at napapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa sa kanilang trabaho.

 

### Paul Ang/GMEArce

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo