DOLE nagsampa ng kaso laban sa ‘pekeng’ labor inspector

Date Posted: August 2nd, 2017 03:48 PM

“Mag-ingat sa mga pekeng labor inspector at agad ipaalam sa amin,” pag-aalerto ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat ng kompanya sa Central Luzon.

 

“Ipinagbibigay-alam po namin sa lahat ng employer at sa publiko na si G. Jorge Domasig Dimayuga, edad 47, may-asawa at walang trabaho, at naninirahan sa 3060 San Agustin Village, Mapulang Lupa, Valenzuela City, ay hindi po konektado sa DOLE Regional Office No. 3 at sa pitong Field Offices. Dagdag pa dito, wala po siyang awtorisasyon upang magsagawa ng Joint Assessments (JAs) o anupamang tungkulin na nakaatas sa tanggapan. Huwag makipag-transaksiyon sa taong ito.”

 

Nagpalabas ng pahayag ang DOLE matapos magsampa ng kaso laban kay Dimayuga matapos itong madakip sa ginawang entrapment operation ng Philippine National Police (PNP) sa Meycauayan, Bulacan.

 

Sinabi ni DOLE Regional Director Atty. Ana Dione na si Dimayuga ay nagpanggap bilang Labor Laws Compliance Officer (LLCO) at kinasuhan ng robbery extortion at usurpation of authority.

 

Nakatanggap ang DOLE Bulacan Field Office ng tawag mula sa Ben-Ben Trading/Classic Particles Manufacturing Ltd. Co. – isang kompanya sa Meycauayan, Bulacan – upang beripikahin kung may ‘Jorge Dimayuga’ na nagtatrabaho sa DOLE.

 

Kanyang idinagdag na nanghihingi ng pera mula sa kompanya ang nagpapanggap na kawani ng DOLE at ang kapalit ay hindi na sasailalim ang kanilang kompanya mula sa joint assessment o inspection ng DOLE.

 

Nagsampa rin ng kaso si DOLE Assistant Regional Director Geraldine Panlilio laban kay Dimayuga dahil sa pamemeke ng kanyang lagda sa nasabing “Notice of Assessment.”

 

Kabilang sa mga ebidensiya isinumite sa Prosecutor’s Office laban kay Dimayuga ang marked money at pinekeng identification cards at dokumento.

 

Upang matiyak na hindi na mauulit ang nasabing panloloko, nagpatawag ng emergency meeting si Dione sa lahat ng 56 Labor Laws Compliance Officers upang ipaalala ang kanilang sinumpaang tungkulin.

 

“Nakakalungkot na may mga tao, indibidwal o grupo, na gagamitin ang DOLE o ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, para sa pansariling kapakanan kahit sa ikapapahamak ng iba. Nakikiusap ako sa ating mga LLCO na laging tandaan ang ating sinumpaang tungkulin at manatiling tapat sa pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan sa tamang pagpapatupad ng ating Labor Laws Compliance System para sa pangangalaga ng katarungang pantao,” ani Dione.

 

Hinihikayat ang publiko na iulat ang mga pekeng inspector sa DOLE Central Luzon hotline number 0925-8150214 (mobile) at (045) 455-1619 (landline) o mag-email sa dolero3@gmail.com.

 

Pinaalalahanan din ang publiko na itawag sa DOLE Hotline 1349 upang ipaalam sa iba pang DOLE regional at field offices ang katulad na kaso na maaaring maganap sa iba pang lugar ng bansa.

 

END/DOLE RO3/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo