Bello naglabas ng patakaran upang tugunan ang mga reklamo, hiling na tulong sa Hotline 8888

Date Posted: June 17th, 2017 11:44 AM

Nagpalabas si Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ng DOLE operational guidelines and procedures upang tugunan ang mga reklamo at hiling na tulong na tinanggap mula sa 8888 Citizen’s Complaint Hotline at isinangguni sa Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Sa ilalim ng Administrative Order No. 238, Series of 2017, iniatas ni Secretary Bello ang pagbubuo ng DOLE 8888 Citizens’ Complaint Action Team upang tiyakin na agad na natutugunan ang mga reklamo at hiling na tulong, at alamin ang mga dapat na isaayos at bigyan ng interbensyon para sa pagpapaganda ng serbisyo at programa ng Department.

 

Ang action team ay pinamumunuan ni Assistant Secretary Federico V. Abuan, Jr., kasama sina Director Violeta N. Muñoz ng Human Resource Development Service (HRDS) at Atty. Lovely Aissa B. Velayo ng Legal Service bilang alternate heads; at Aurea B. Espinosa at Jesurella C. Giray ng HRDS bilang technical officers.

 

Inaatasan ang DOLE 8888 Citizens’ Complaint Action Team na magbuo ng desisyon na tutugon sa mga feedback at hiling na tulong na tinanggap mula sa 8888 hotline at iuulat sa Secretary, at isasangguni sa kinauukulang tanggapan o ahensiya.

 

Pag-aaralan nito at susuriin ang mga reklamo at magbibigay ng naaayong aksiyon o solusyon at pagbubuo ng nararapat na pamamaraan na makakatulong sa pagpapaganda ng kasalukuyang sistema.

 

Naatasan din ang action team na tiyakin na nabigyan ng nararapat na aksiyon o tulong ng ahensiyang humahawak nito.

 

Maaari din silang magbigay ng rekomendasyon sa nararapat na aksiyon sa Secretary sa mga opisyal o empleyado na naging dahilan para magtagal o hindi mabigyan ng nararapat na aksiyon sa mga reklamo o hiling na tulong na kanilang natanggap mula sa 8888.

 

Naatasan din ang action team na i-monitor at pag-isahin ang lahat ng buwanang ulat na isinumite ng mga tanggapan gayundin ang mga dokumento na maaaring hingin ng Office of the Secretary to the Cabinet, Office of the President.

 

Para naman sa DOLE regional offices, ang regional director ay naatasan na maging focal person; ang assistant regional director bilang alternate focal person; at ang technical staff bilang technical officers.

 

Samantala, sa DOLE attached agencies, ang opisyal na kasunod sa ranggo ng pinuno ng ahensiya ang magsisilbing focal person, ang opisyal na may director level position ang magiging alternate focal person, at ang technical staff bilang technical officer.

 

Dapat tiyakin ng focal persons ng DOLE regional offices at attached agencies na agad natutugunan ng nararapat na aksiyon ang hiling na tulong ng mga kliyente mula sa 8888 hotline na inendorso sa kanilang tanggapan o attached agency; tiyakin na ang mga aksiyon o tulong na ibinigay ay tumutugon sa hiling na tulong ng nasabing kliyente; at pagpapanatili ng mga record para sa pagmo-monitor at pagsusuri.

 

Itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 6 na pinalathala ni Presidente Rodrigo Duterte, ang pagbubuo ng 8888 Citizen’s Complaint Hotline at ang pagtatatag ng 8888 Citizen’s Complaint Center, ay isang pamamaraan kung saan maaaring i-ulat ng taong-bayan ang kanilang reklamo o karaingan sa anumang maling gawain batay sa depinisyon ng RA 9485 at iba pang naaayong batas sa mga maling gawain ng alinmang national government agency, government-owned o -controlled corporation, government financial institution, at iba pang tanggapan ng pamahalaan.

 

END/aldm/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo