Suspensyon sa direct hire, inalis na ni Secretary Bello

Date Posted: May 18th, 2017 01:44 PM

Inalis na ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang suspensyon sa pagpoproseso sa mga direct hire na overseas Filipino workers (OFWs) matapos ang isinagawang imbestigasyon ng mga opisyal kaugnay sa napaulat na anomalya sa loob ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

 

“Inalis ko na ang suspensyon sa mga direct hire na OFW dahil tapos na rin ang isinagawang imbestigasyon rito. Minabuti ko na imbestigahan na muna, at ngayong tapos na ang imbestigation, alam na namin kung sino ang mga involved, at nagkakaroon ng re-organization within the agency (POEA),” ayon kay Bello.

 

Sinabi pa niya na ang pansamantalang suspensyon sa pagpoproseso at pagpapalabas ng mga Overseas Employment Certificate (OEC) para sa lahat ng direct-hire na OFW ay para na rin sa kanilang kaligtasan at upang hindi sila maging biktima ng mga iligal na aktibidad sa loob ng POEA.

 

Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 155-A, Series of 2017, inatasan ni Bello ang POEA at ang Philippine Overseas Labor Offices (POLO) na ipagpatuloy ang pagpoproseso at pagpapalabas ng OEC, na isa sa mga kinakailangan sa ilalim ng panuntunan at regulasyon ng POEA para sa recruitment at pagtanggap ng mga OFW upang matiyak ang kanilang proteksyon at tamang dokumentasyon.

 

“Dapat nating siguruhin na ang mga OFW ay nabibigyang proteksyon sa oras na lumabas sila ng bansa. Dapat ay maiiwas rin sila na maging biktima ng anumang anomalya,” dagdag pa ni Bello.

 

Batay sa 2016 Revised Rules and Regulations on the Recruitment and Deployment of OFWs of the POEA, isinasaad sa Section 123 na ‘Walang employer ang pinapayagang direktang tumanggap ng mga overseas Filipino worker para sa trabaho sa ibang bansa.’

 

Gayunman, isinasaad ng Section 124 ang ilang exemption na kinabibilangan ng mga employers na malapit na kamag-anak ng OFW, miyembro ng diplomatic corps; international organizations; heads of state at opisyal ng pamahalaan na may ranggo na deputy minister; at iba pang employer na pinapayagan ng kalihim ng paggawa.

 

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo