P2-M na tulong, handog ni Bello sa manggagawa at asosasyon sa Davao

Date Posted: May 10th, 2017 01:05 PM

Namahagi ng P2.2 milyong pisong tulong pangkabuhayan at emergency employment ang Department of Labor and Employment sa dalawang asosasyon ng mga manggagawa at isang local government unit (LGU) sa Davao Oriental.

 

Sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na bahagi ng programang DILEEP, ang lokal na pamahalaan ng Manay sa Davao Oriental ay tumanggap ng P1,000,000 para sa pansamantalang trabaho ng 146 manggagawa na apektado dahil sa kaguluhan sa nasabing lugar.

 

Sa kabilang dako, sa ilalim naman ng programang KABUHAYAN ng DILEEP, isang tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P629,354 ang naipamahagi sa 65 miyembro ng San Isidro Driftwood Makers Association para sa kanilang driftwood furniture production at halagang P600,000 naman ang naitulong sa 60 miyembro ng Davao Oriental Bag Weavers Association (DOBWA).

 

Personal na iniabot ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga nasabing tulong sa ginanap na pagdiriwang ng 6th Workers in the Informal Economy Labor Day sa SMX Convention Center sa Davao City.

 

Sinaksihan ito nina Undersecretary Joel B. Maglunsod, Assistant Secretary Ma. Gloria A. Tango, DOLE Regional Office No. 11 Director Raymundo Agravante, DOLE Regional Office No. 11 Assistant Regional Director Naomi Lyn Abellana, at National Anti-Poverty Commission (NAPC) Consultant for Mindanao Luz Ilagan.

 

Ang TUPAD ay isang programang pangkomunidad (municipality/barangay) na nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng pamamahagi ng emergency employment para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, underemployed, at seasonal workers, sa loob ng sampung araw at hindi lalagpas ng 30 araw, na nababatay sa uri ng trabahong gagawin.

 

Ang programang KABUHAYAN naman ay ang pagbibigay ng DOLE ng tulong pangkabuhayan higit lalo sa mga mahihirap na manggagawa.

 

Noong Pebrero, naglabas si Bello ng Department Order No. 173 o ang revised guidelines in the implementation of DILEEP.

 

Ang DILEEP, na ipinatutupad sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), ay ang kontribusyon ng DOLE sa adhikain ng pamahalaan tungo sa pag-unlad sa tulong ng paglikha ng mga trabaho at pagbuo ng mga programang lulutas sa problema ng kahirapan sa mga kapus-palad na manggagawa.

 

END/aldm/ Paul Ang

 

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo