19k stranded OFW sa Middle East, napauwi ng DOLE

Date Posted: April 20th, 2017 12:54 PM

Napauwi na ng pamahalaan ang kabuuang 19,201 stranded at undocumented overseas Filipino workers (OFWs) sa pamamagitan ng mas pinalakas nitong repatriation campaign para sa mga hirap na Pilipinong manggagawa sa Middle East.

 

Isinakatuparan ang repatriation sa ilalim ng Relief Assistance Program (RAP) ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na pinondohan ng higit kumulang sa P500 milyong piso mula noong Hulyo 2016 hanggang Marso 2017.

 

Karamihan sa mga napauwing manggagawa ay mula sa Riyadh, Jeddah, at Al Khobar, Saudi Arabia.

 

Liban sa ayuda sa kanilang mga dokumento, ang mga OFW ay binigyan rin ng tulong pinansyal at pangkabuhayan nang sila ay bumalik sa bansa.

 

“Sa pamamagitan ng ating repatriation program, ipinapakita lamang natin ang ating layunin upang matiyak ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga modernong bayani at mapauwi sila sa kanilang mga pamilya,” ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

 

Upang tuwiran pang matulungan ang mga napauwing manggagawa, ang OWWA at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay nagsagawa na rin ng mga job fairs sa ibat ibang probinsya sa bansa liban pa sa skills development trainings na inaalok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

 

Pinakahuling napauwi ang 139 na OFW na stranded sa Saudi Arabia at nabigyan ng amnestiya ng pamahalaan ng Saudi para sa mga hindi dokumentadong dayuhan sa kanilang bansa.
 

Kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalihim sa kanilang three-nation official visit sa gitnang silangan noong nakaraang linggo upang mapauwi ang mga stranded OFW at pati na rin ang mga Pilipinong kulang o walang mga dokumento. Una ng bumuo ng repatriation team si Bello na pinangunahan ni Undersecretary Dominador Say upang magbigay ng airport assistance sa mga repatriates, kasama ang travel document processing, paggamit ng special immigration lane, at baggage assistance.

 

Sinabi ni Say, na tumatayo rin bilang OIC ng POEA, na nagtayo na rin ang kanilang team ng tatlong processing centers sa Riyadh, Al Khobar, at Jeddah upang mas mapabilis ang pagpoproseso ng mga travel document para sa mga hirap na Pilipinong manggagawa.

 

Ang mga OFW ay binigyan ng exit permit at hindi na pinagbayad pa ng multa dahil sa paglabag nila sa residency law ng Saudi, labor system, at border security ng bansa. Sila rin ay hindi na dumaan pa sa deportee fingerprint system at maaaring muling makabalik sa naturang bansa ng legal.

 

#Paul Ang
 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo