Bello nanawagan para sa mahigpit na pagpapatupad ng OSH standards

Date Posted: March 21st, 2017 10:37 AM

Muling nanawagan si Labor Secretary Silvestre H. Bello III para sa mahigpit na pagpapatupad ng patakaran sa ligtas na lugar-paggawa at malusog na manggagawa sa mga establisyamento at kompanya sa bansa.

 

Ipinahayag ni Bello ang kanyang panawagan sa ginanap na ika-39 Annual National Convention ng Philippine College of Occupational Medicine (PCOM) nitong linggo sa Crowne Plaza Manila Galleria, Quezon City.

 

“Ang inyong tema, “Healthy Workforce: Advancing PCOM’s Action for Change,” ay nagpapatunay sa inyong kahandaan upang harapin ang nagbabagong panahon ukol sa kaligtasan sa paggawa. Ang pagpupulong na ito ay isang magandang oportunidad upang madagdagan ang ating kaalaman sa mga pagbabago at mga pagsubok na hinaharap ng occupational medicine dito at sa ibang bansa,” ani Bello.

 

Hinikayat din ng Kalihim ng Paggawa ang mga gradweyt ng PCOM na ikampanya ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiya at programa ng DOLE na tumitiyak sa kaligtasan, kapakanan at karapatan ng manggagawa sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan.

 

Pinalalakas ng DOLE, sa pamamagitan ng Labor Laws Compliance System (LLCS), ang mga programa sa pamantayan sa ligtas at malusog na lugar-paggawa sa pag-aatas sa mga kompanya ng boluntaryong pagsunod sa patakaran at regulasyon at pagpapalaganap ng impormasyon sa iba’t ibang kompanya.

 

“Kami sa DOLE ay naniniwala na aming katuwang ang PCOM sa pangangalaga sa kaligtasan sa paggawa ng ating manggagawang Filipino. Nilalayon namin na mapigilan ang mga aksidente sa pagawaan, tulad ng naganap na sunog sa Kentex slipper factory sa Valenzuela at sa House Technology Industries (HTI) sa Cavite,” dagdag ni Bello.

 

Ipinalabas kamakailan ng DOLE ang Administrative Order No. 21, na nagbubuo ng technical working group na naatasang magsagawa ng pag-aaral sa pamantayan para sa ligtas na lugar-paggawa at malusog na manggagawa para sa tiyak na pagsunod ng mga kompanya sa batas-paggawa at pangkagalingan.

 

Kabilang sina Dr. Edmyr Macabulos, MD, PCOM National President; DOH Assec. Eric Tayag; at Bureau of Working Conditions (BWC) Director Ma. Teresita S. Cucueco, na siyang board of director ng PCOM ay kabilang sa mga panauhin sa ginanap na taunang pagpupulong.

 

#Paul Ang/GMEArce
 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo