500,000 OFWs nakinabang sa One-Stop-Service Centers ng DOLE

Date Posted: March 20th, 2017 04:26 PM

May 494,611 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakatanggap ng serbisyo mula sa One-Stop-Service Center for OFWs (OSSCO) sa buong bansa, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) - Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, ang pagtatatag ng service center ay tugon sa direktiba ni Presidente Rodrigo R. Duterte na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga OFWs.

 

“Ang DOLE kasama ang mga ahensiya sa ilalim nito ay nagtatag ng One-Stop-Service Center upang tiyakin ang mabilis at napapanahon ang ibinibigay na iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kliyente na ang karamihan ay OFW,” ani Bello.

 

Batay sa ulat, nitong Marso 3, 2017, mula nang ito ay mailunsad noong Agosto 15, 2016, umabot na sa 463,423 ang kabuuang bilang ng OFW na naserbisyuhan ng pangunahing OSSCO na matatagpuan sa tanggapan ng POEA sa Mandaluyong City.

 

Nakasaad din sa ulat na tumugon ang pangunahing service center sa 183,222 katanungan; nakatanggap ng kabuuang 257,448 dokumento para maproseso; nag-isyu ng 20,775 certificate; at nakapagbigay ng tulong sa 1,980 kliyente.

 

Ang regional service centers ay nakapagtala naman ng kabuuang 31,189 kliyente mula sa 16 OSSCO na itinayo sa buong bansa.

 

Ipinahayag ni Bello na layunin ng DOLE na paigsiin ang panahon sa pagproseso ng mga dokumento ng OFW at mabawasan ang gastusin ng OFW sa dahilang ang lahat ng serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno ay matatagpuan na sa iisang lugar.

 

Ang mga katuwang na ahensiya na kabilang sa OSSCO ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Maritime lndustry Authority (MARINA), Home Development Mutual Fund (HDMF), Philippine Health lnsurance Corporation (PhilHealth), Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Immigration (BI), National Bureau lnvestigation (NBI), Commission on Higher Education (CHED), Tourism lnfrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of lnternal Revenue (BIR).

 

Dagdag pa dito, iniulat din ng POEA na may 50,744 kliyente ng 24/7 Hotlines ang natugunan ang mga katanungan, isyu at suliranin na may kinalaman sa mga OFW.

 

Hinihikayat ang mga Filipino na kasalukuyang nagtatrabaho o nagpapalanong magtrabaho sa ibang bansa na pumunta sa service centers na matatagpuan sa POEA Central Office at sa 16 regional centers para matugunan ang kanilang mga pangangailangan mula 8:00 n.u. hanggang 5:00 n.h., Lunes hanggang Biyernes.

 

END/ Abegail De Vega/GMEArce

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo