Bello nilagdaan ang D.O. sa contracting at subcontracting

Date Posted: March 17th, 2017 11:29 AM

Ipinalabas ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang kautusan na nagbabawal sa labor-only contracting, mahigpit na regulasyon sa kasunduan sa pangongontrata, pagwawakas sa ‘endo’, at pagtatalaga sa mga manggagawa sa buong bansa para sa malawakang inspeksiyon ng mga establisyamento sa kanilang pagtupad sa batas-paggawa at iba pang umiiral na kautusan.

 

Nilagdaan ni Bello ang Department Order No. 174, o ang Rules Implementing Articles 106 to 109 ng Labor Code matapos ang ilang buwang konsultasyon sa parehong manggagawa at mamumuhunan, tugon sa pangako ni Presidente Rodrigo R. Duterte na wakasan ang illegal contracting at ‘endo’. Ang bagong D.O. ang hahalili sa D.O. 18-A na madalas ay nagagamit upang payagan ang iba’t ibang uri ng kasunduan sa pangongontrata at end-of-contract.

 

“Dahil sa hindi pagkakasundo at pagsasaalang-alang sa epektong panglipunan at ekonomiya ng tumatagal na walang-katiyakan sa polisiya, sa tingin namin na para sa kapakinabangan ng karamihan kung ang Department, sa pamamagitan ng Secretary of Labor, ay bigyan na ng katapusan ang isyung ito, at gamitin ang kanyang kapangyarihan at pagpapasiyang ibinigay sa kanya ng ayon sa batas,” ani Bello sa ginanap na pulong balitaan sa DOLE Labor Governance Learning Center (LGLC) sa Intramuros, Maynila.

 

Ayon sa kanya, ang D.O. No. 174 ay: (1) Muling pinagtitibay ang karapatan ng manggagawa sa seguridad sa trabaho na itinakda ng batas; (2) Sakop ang lahat ng partido na may kasunduan kung saan may relasyon ang manggagawa at mamumuhunan; (3) Ganap na ipinagbabawal ang labor-only contracting, at pagtukoy sa iba pang iligal na uri ng kasunduan sa pag-eempleo: (4) Pinahihintulutan lamang ang ayon sa itinakdang contracting at subcontracting; (5) Pinalalakas ang karapatan ng manggagawa sa pamantayan sa paggawa; karapatang mag-organisa; collective bargaining, at seguridad sa trabaho; at (6) Minamandato ang pagrerehistro ng contractor at subcontractor at pagbibigay ng maliwanag na patakaran sa kanselasyon ng rehistro.

 

Ipinagbabawal ng bagong department order ang mga sumusunod: labor-only contracting; pamamahagi ng trabaho sa pamamagitan ng “cabo”; pangongontrata ng trabaho sa pamamagitan ng in-house agency; pangongontrata ng trabaho sa pamamagitan ng in-house cooperative na nagsu-supply lamang ng manggagawa sa principal; pangongontrata ng trabaho dahil lamang sa strike o lockout ito man ay aktuwal o  mangyayari pa lamang; at, pangongontrata ng trabaho na ginagampanan ng miyembro ng unyon na magiging sagabal, pipigil o hahadlang sa karapatan nilang mag-organisa na itinakda sa Article 259 ng Labor Code, ayon sa pagkaka-amyenda.

 

Pinagbabawalan din ang mga contractor at subcontractor na atasan ang empleyado na gampanan ang tungkulin na kasalukuyang ginagampanan ng regular na empleyado ng principal; lumagda, bilang kondisyon sa empleo o patuloy na pag-eempleo, sa resignation letter na walang petsa; blankong payroll; waiver sa karapatan sa paggawa kabilang ang minimum na sahod at iba pang benepisyo; o quitclaim na nagtatanggal sa principal o contractor ng pananagutan sa pagbabayad ng claim; o hilingin sa empleyado na maging miyembro ng kooperatiba; paulit-ulit na pagkuha sa empleyado sa ilalim ng pinaikling panahon ng pag-empleo sa kontrata; paglagda sa kontrata na nagtatakda ng mas maigsing panahon kumpara sa nakatakda sa service agreement, maliban na lamang kung ang kontrata ay nahahati sa iba’t ibang bahagi na nangangailangan ng iba’t ibang kakayahan at ito ay naipahiwatig sa empleyado bago kunin ang kanyang serbisyo; at iba pang gawain o kasunduan sa empleo na mag-aalis sa karapatan ng manggagawa sa seguridad sa trabaho.

 

Pinaiigsi din ng bagong DOLE Department Order sa Contracting at Subcontracting ang pagiging balido ng certificate of registration ng contractor at subcontractor mula tatlong taon hanggang dalawang taon at nagtataas sa registration fee mula P25,000 ng P100,000.

 

Upang matiyak ang epektibong implementasyon ng D.O. 174, inatasan ni Labor Secretary sina Underscretary Joel Maglunsod at Undersecretary Bernard Olalia na muling pag-aralan ang pagpapatupad ng batas paggawa at patakaran sa ilalim ng Department Order No. 131-B, Series of 2016, o ang Revised Rules on Labor Laws Compliance System.

 

Kanya ring hiniling kay Presidente Duterte ang paglikha ng 200 plantilla positions para sa Labor Laws Compliance Officers na ide-deploy sa DOLE Regional Offices.   Ang LLCO ay pamumunuan nina Undersecretary Maglunsod at Olalia.

 

Sinabi ni Bello na itutuloy ng Department ang plano na gawing kinatawan ang mga grupo ng manggagawa bilang labor inspectors para makatulong sa pagsasagawa ng inspeksiyon sa 90,000 establisyamento na target ngayong taon.

 

“Kahit na anong ganda ng department order kung hindi naman ito maipapatupad nang maayos ay wala rin,” ani Bello.

 

###CTmaring /Paul Ang/GMEArce
 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo