DOLE, bumuo ng TWG sa pagprotekta sa K-12 Senior HS sa imersyon sa trabaho

Date Posted: March 16th, 2017 01:32 PM

Upang protektahan ang mga mag-aaral sa senior high school (SHS) na sasailalim sa hands-on na karanasan o imersyon sa trabaho, bumuo ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Technical Working Group para sa K to 12 Work Immersion Program (TWG for K12-WIP).

 

Ang pagbuo sa DOLE-TWG ay alinsunod sa Section 6 ng Republic Act No. 10533, o mas kilala rin bilang Enhanced Basic Education Act of 2013, at Section 11, Rule II ng Implementing Rules and Regulations nito. Ito rin ay sa ilalim ng Republic Act No. 9231, o mas kilala bilang Special Protection of Children against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

 

Ang work immersion ay bahagi ng SHS Curriculum na kinapapalooban ng 80 oras ng hands-on experience na daraanan ng mga mag-aaral sa Grade 11 at 12 upang magkaroon sila ng kasanayan sa aktuwal na trabaho at mapalakas pa ang kanilang mga kakayahan sa kanilang paaralan.

 

Pangungunahan ni Assistant Secretary Alex V. Avila ng Employment and Policy Support Cluster ang TWG, kasama ang Bureau of Labor Relations (BLR), Bureau of Local Employment (BLE), Bureau of Workers with Special Concern (BWSC), Bureau of Working Conditions (BWC), at Occupational Safety and Health Center (OSHC) bilang mga miyembro.

 

Ang TWG para sa K12-WIP ay makikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang malinang pa ang mga polisiya na magbibigay ng tiyak na kakayahan na hindi masasaalang-alang ang proteksyon at seguridad ng mga mag-aaral ng SHS habang ipinatutupad ang programa sa K-12 Work immersion.
 

Magkasamang magtatakda ng mga polisiya ang DOLE, DepEd, at TESDA at kokonsulta sa mga kinauukulang grupo. Dagdag pa rito, ang TWG ay patuloy na titiyakin ang pagiging epektibo ng Joint Guidelines ng programa ng imersyon sa trabaho.

 

Dagdag pa rito, ang mga technical-vocational institution na nag-aalok ng SHS ay pangangasiwaan rin ng mga panuntunan ng DepEd para sa 80-oras na work immersion. Lahat ng mga panuntunan sa seguridad ng TESDA at DOLE para sa nasabing programa ay ipatutupad.

 

Hindi dapat na ituring na employment arrangement ang work immersion dahil ito ay programa ng K-12 upang magkaroon ng kaisipan at karanasan ang mga mag-aaral sa aktuwal na estado ng trabaho.

 

Batay pa sa advisory ng DOLE, ang work immersion ng mga mag-aaral sa SHS ay pinapayagan lamang mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

 

Habang ang work immersion naman ng mga mag-aaral na mababa sa 15 taong gulang na may permiso ng kanilang mga magulang ay hindi dapat lumagpas ng apat na oras sa isang araw.

 

Ang mga mag-aaral sa SHS, ano man ang kanilang edad, ay hindi pinapayagang sumailalim ng work immersion sa mga industriya at aktibidad na itinuturing na mapanganib sa ilalim ng DOLE Department Order No. 149, Series of 2016, o ang panuntunan sa pagtukoy ng Hazardous Work in the Employment of Person below 18 Years of Age.

 

Isinasaad rin sa advisory na ang work immersion ay hindi dapat magresulta sa pagpapalit o pagbabawas ng benepisyo ng mga manggagawa sa industriya o kumpanya.

 

Samantala, ang BLE ang siyang kabuuang mangangasiwa bilang Secretariat ng DOLE-TWG at magbibigay ng mga ulat kung kinakailangan. Upang matiyak naman ang pagsunod sa mga polisiya, ang iba pang ahensya ng DOLE ay inaatasang magbigay ng tulong kung kinakailangan.

 

END/mdd/ Paul Ang


 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo