Job Fair Ilulunsad para sa mga OFW na nawalan ng trabaho sa Saudi

Date Posted: March 15th, 2017 01:38 PM

Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isang job at livelihood fair ang nakatakdang ilunsad para sa mga overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.

 

Ang isang araw na aktibidad ay itinakda sa Marso 28 sa Occupational Safety and Health Center (OSHC) sa Quezon City. Ang mga umuwing OFW mula sa siyam na kumpanya na nagkaroon ng krisis sa Saudi ay nakapag-pre-register na sa Overseas Workers Welfare Administration ngayong linggo.

 

“Bahagi ito ng patuloy nating kampanya upang matulungan ang mga OFW higit lalo ang mga nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia,” wika ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

 

Ang mga kasamang OFW sa job fair ay ang mga nawalan ng trabaho sa siyam na kumpanya, kabilang ang Mohammed al-Mojil Group (MMG), Saudi Bin Laden Group of Companies (SBG), Saudi Oger Ltd. (SOL), Mohammad Hameed Al-Bargash & Bros. Trading & Construction, Aluminum Company (ALUMCO L.L.C.), Rajeh H. Al Merri Contracting & Trading Company, Fawzi Salah-Al Nairani Contracting Company, Arabtec Construction L.L.C., at Real Estate Development and Investment Company. 

 

Ang mga nasabing kumpanya ay nasa industriya ng construction, maintenance, at electrical, na nagkaroon ng problemang pinansyal matapos ang naganap na krisis sa krudo noong nakaraang taon.

 

Karamihan sa mga nag-pre-register na aplikante para sa mga job fair ay nagmula sa National Capital Region (NCR), at Region 3 at 4-A.

 

Maayos ring tatanggapin at aasikasuhin ang mga walk-in na aplikante.

 

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac , 20 agency para sa mga trabaho sa ibang bansa at 20 employers para naman sa lokal na mapapasukan ang naimbitahan sa nasabing fair at handa silang tumanggap ng mga aplikante sa nasabing araw.

 

Dagdag pa ni Cacdac, mayroon na ring mga job fair para sa mga OFW na nawalan ng trabaho ang itinakda sa iba’t ibang rehiyon tulad ng sa Cebu at Mandaue simula ngayong linggo.

 

Inaanyayahan naman ni Cacdac ang lahat ng mga OFW na dati nang namasukan sa mga kumpanya sa Saudi Arabia na samantalahin ang oportunidad na ito na mag-pre-register sa mga itinakdang araw upang mas mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga aplikasyon.

 

#Paul Ang (with reports from OWWA)

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo